KOLABORASYON, DIGITIZATION TAMPOK SA 2024 LABOR INSPECTION SUMMIT

MINARKAHAN ng pi­na­lakas na ugnayan ng pamahalaan at pina­igting na pagsisikap nito tungo sa digitization para sa higit na pagpapahusay ng labor inspection program ng pamahalaan ang pagsisimula ng Labor Inspection (LI) Summit ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Lunes sa Pasay City.

Nagsama-sama sa summit, na may temang “Collaborating for Change and Safer Workplaces: Strengthening OSH Compliance through Strategic Labor Inspection,” ang lahat ng DOLE regional directors, bureau, services, piling opisyal ng attached agency, regional technical support services division chiefs, provincial at field office heads, mediator arbiters, at ang 1,200 labor inspectors ng Kagawaran.

Itinampok sa dalawang araw na summit ang mga istratehiya at produktibong dayalogo tungo sa maayos na pagsunod sa mga batas-paggawa at palakasin ang mga tungkulin at gawain sa ilalim ng labor inspection program ng DOLE.

Sa kanyang talumpati, pinuri ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma ang Kagawaran sa mga nakamit nitong tagumpay sa pagpapatupad ng nirebisang istratehiya sa ins­peksiyon. Para sa taong ito hanggang Agosto 2024, nakapagsagawa ng inspeksiyon ang DOLE sa 27,384 establisimiyento, kung saan nalampasan ang target nitong 25,000 establisimiyento at may 3 milyong manggagawa ang nakinabang.

Natulungan din nito ang 135,530 micro-establishments sa pamamagitan ng nationwide technical advisory visits (TAVs), kung saan nakamit ang 93.79% achievement rate.

Binigyang-diin ng Kalihim ang kahalagahan ng pinalakas na pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng private partners nito sa paglagda ng tatlong Memorandum of Agreement sa ginanap na summit.

“Bagaman magkaka­iba ang paksa, ibinabahagi ng mga nilagdaang kasunduan ang iisang layunin na makatulong sa implementasyon ng risk-based approach sa mga pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa lugar-paggawa at pagtataguyod ng kultura ng kaligtasan at kalusugan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaalamang propesyonal at pangangasiwa sa mga lugar-paggawa,” pahayag ni Secretary Laguesma.

 Nakasentro ang nasabing mga kasunduan sa pagtataguyod ng mga pamantayan at kasanayan sa Occupational Safety and Health (OSH) sa pakikipagtulungan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Professional Regulation Commission (PRC), at Philippine Institute of Chemical Engineers (PIChE).

Ang pangako ng Labor Department sa modernisasyon ng inspeksiyon sa paggawa ay makikita sa itinanghal na mga bagong digital initiative, kabilang ang DOLE Chatbot at DOLE Compliance Portal, na dinisen­yo para sa mas maayos na komunikasyon at mabilis na proseso ng labor inspection program.

Itinanghal din ng DOLE sa ginanap na summit ang National Occupational Safety and Health Strategy, na naglalayong pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino at mga karapatan ng mga manggagawa sa kaligtasan at kalusugan sa lugar-paggawa.

Tinalakay rin sa unang araw ng LI Summit ang mga itinampok na mabubuting kasanayan at istratehiya sa pagsunod sa OSH mula sa pandaigdigang at rehiyonal na pananaw, ang Eddie Garcia Law.

Kinilala rin ang mga nangunang regional offices ng DOLE para sa kanilang mahusay na pagpapatupad ng nationwide labor inspection program.

Kinilala bilang top performer ang DOLE Central Luzon, Ilocos Region, at CARAGA para sa kanilang epektibong pagpapatupad ng labor ins­pection program para sa taong 2023.

Pinarangalan din ang mga regional office na nagpatupad ng bagong inobasyon sa kanilang online labor inspection system, ang mga tanggapang ito ay ang DOLE NCR para sa kanilang Labor Inspection Management Information System, DOLE Bicol para sa kanilang online application system sa Construction Safety and Health Program, at DOLE CALABARZON para sa kanilang Technical Safety Inspection System.

Binigyan din ng espesyal na pagkilala ang mga private partners, tulad ng International Labor Organization sa kanilang patuloy na pagsuporta sa pagpapataas ng kapasidad ng mga labor inspectorate at sa implementasyon ng mga programa, at ang World Vision Development Foundation, Inc., para sa patuloy nitong suporta sa pagbuo ng iba’t ibang mga module ng pagsasanay upang wakasan ang “child labor.”

Nakibahagi rin sa summit sina Labor Undersecretaries Atty. Benjo Santos M. Benavidez, Atty. Benedicto Ernesto R. Bitonio, Jr., Atty. Felipe N. Egargo, Jr., OIC-Undersecretary Atty. Paul Vincent W. Añover; Assistant Secretaries Atty. Lennard Constantine C. Serrano, Amuerfina R. Reyes, at Warren M. Miclat; at mga opisyal ng DOLE Bureaus, Services, at mga piling opisyal ng attached agencies.

Sa layuning mapabuti ang kondisyon sa paggawa, inorganisa ang LI Summit ng DOLE-Bureau of Working Conditions, ang sangay ng Kagawaran na naatasan sa pagpapatupad at pangangasiwa sa mga batas-paggawa.