KOLABORASYON SA PESOS MAHALAGA SA PAGTUGON SA PAGBABAGO SA MUNDO NG PAGGAWA – DOLE

KINILALA ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kontribusyon ng Public Employment Service Offices (PESOs) sa pagsusulong ng employment agenda ng pamahalaan sa lokal na antas ng pamahalaan.

Itinatampok nito ang kahalagahan ng pagtutulungan ng DOLE at PESO sa pagtugon sa umuunlad na mundo ng paggawa.

Sa pagsisimula ng 24th National PESO Congress noong ika-16 ng Oktubre sa KCC Convention Center sa Zamboanga City, binigyang-diin ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma ang temang “PESO: Pinatatag at Pinalakas, Tugon sa Hamon ng Bagong Pilipinas,” na nagbibigay-pansin sa lumalaking responsibilidad ng PESO sa mga pagbabago sa mundo ng paggawa, na binibigyang-suporta ng mga pangunahing polisiya tulad ng Trabaho Para sa Bayan Act at Philippine Labor and Employment Plan 2023-2028, na naaayon sa Philippine Development Plan 2023-2028, at binigyang pagkilala ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address kamakailan ang mahalagang papel ng mga PESO sa pangangasiwa ng trabaho.

“Sa kanyang huling State of the Nation Address, kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang mga PESO para sa kanilang 98 porsiyento job placement success rate. […] Pinuri niya ang papel ng mga PESO sa paggamit ng kanilang kakayahan at pagpapabuti ng koordinasyon sa pagitan ng paggawa at industriya. Ang pagkilalang ito ay nagpapakita ng inyong pagpupunyagi at nagpapatunay na mahalaga ang PESO sa ating pagsisikap na makabuo ng higit at mas magandang trabaho para sa mga Pilipino,” pahayag ni Secretary Laguesma.

Samantala, muling pinagtibay ni Employment and Human Resource Development Cluster (EHRDC) Undersecretary Carmela I. Toress ang suporta ng DOLE tungo sa pagpapalakas ng mga PESO sa buong bansa.

“Nananatili kaming nakatutok sa institusyonalisasyon ng mga PESO, pagtataas ng mga kapasidad, pagpapalakas at pagtataguyod ng mga partnership, pagpapabuti ng paghahatid ng serbisyo sa pamamagitan ng mga pangunahing tungkulin nito, at pagtanggap sa digital transformation,” wika ni Undersecretary Torres.

Pinasalamatan din ng Undersecretary ang mga pinuno ng lokal na pamahalaan, PESO managers, at mga kaugnay na stakeholder sa pagtiyak na mananatiling matatag at permanente ang mga serbisyong publikong pantrabaho sa mga lokal na pamahalaan.

Higit pang pinagtibay ang pangako ng mga PESO sa pagsusulong ng employment agenda ng pamahalaan sa lokal na antas sa paglagda sa Pledge of Commitment ng PESO Managers Association of the Philippines, Inc. (PESOMAP, Inc.) para sa pagsasakatuparan ng 10-year Trabaho Para sa Bayan Plan. Pinangunahan nina Secretary Laguesma at PESOMAP, Inc. National President Luningning Y. Vergara ang seremonya ng paglagda.