CAVITE – NAWASAK ang pangarap ng 20-anyos na kolehiyala na sinasabing bagitong drug courier matapos itong masakote ng mga awtoridad na nag-iingat ng P549,000 halaga ng marijuana sa ikinasang drug bust operation sa bahagi ng Barangay Molino 3, Bacoor City, Cavite kamakalawa ng hapon.
Kinasuhan ng pulisya ang suspek na si alyas Chira, 1st year college, at nakatira sa Woodstate Village 2 Subd. sa nabanggit na barangay.
Sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, walang kamalay-malay ang suspek na sinusubaybayan na siya ng mga awtoridad dahil sa patuloy nitong drug trade sa ilang kabataan sa nabanggit na barangay.
Hindi naman nagtagal ay nasakote ang suspek kung saan nasamsam ang mga pinatuyong dahon ng marijuana na nakalagay sa 3 plastic sachets na tumitimbang ng 80.79 gramo at may street value na P549,372.00.
Nabatid din sa pulisya na ang suspek ay baguhang nasa dug watchlist bilang street level target (SLT) at bagito pa lang sa drug trade kung saan sinasabing ang kinikita nito sa bentahan ng damo ay pangtustos sa kanyang tuition fee sa kolehiyo.
Isinailalim na sa drug test at physical examination ang suspek habang pina-chemical analysis naman sa Cavite Provincial Crime Laboratory Office sa Imus City ang nasamsam na marijuana para gawing ebidensiya sa kasong paglabag sa RA 9165. MHAR BASCO
Comments are closed.