UNTI-UNTING nakakabawi sa gumagandang tax collections ang distrito ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Pasig City matapos na magpamalas ng magandang tax collection performance si newly-installed Revenue District Officer Boy Gamad, ayon sa report ni Quezon City-B Regional Director Romulo Aguila, Jr. kay Deputy Commissioner for Operations Arnel Guballa.
Ang massive tax campaign, Oplan Kandado at kampanya kontra gumagamit ng fake receipts at sales invoices, at ‘di pagbabayad ng tamang buwis ang dahilan ng pagbangon ng BIR-Pasig mula sa mga nakalipas na shortfall sa tax collections na nilasap nito.
Bukod sa BIR Pasig District Office, sinabi ni Director Aguila na unti-unti na ring nakakabawi sa gumagandang tax collection performance ang mga nasa ilalim ng QC-B regional office gaya ng Mandaluyong City, Marikina City, San Juan City at Cainta/Taytay revenue district office.
Tulad ni Director Aguila, nakabawi rin si Quezon City-A BIR Regional Director Albin Galanza nang makamit ng Novaliches District Office ang pagiging top notcher sa tax collections, sumunod ang Cubao District Office, South district office at North District Office.
Samantala, isang revenue executive at examiner sa main office ng BIR ang umano’y ‘under fire’ matapos na paimbestigahan ng Malacañang sa PACC dahil sa pagkakasangkot sa corruption.
Ang kaso, ayon sa source, ay nag-ugat sa pag-iimbestiga sa isang motor cars company na ang utang sa BIR ay mahigit P1 bilyon subalit pinagbayad lamang umano ng P400 milyon. Ang kontrobersiyal na tax case ng nasabing motor cars ay tinapos umano ng tiwaling opisyal at examiner na naka-assign sa BIR National Investigation Division (NID).
Pinaiimbestigahan na rin sa PACC ang iba pang katiwaliang nagaganap sa kawanihan gaya ng malalaking tax cases na hawak ng Large Taxpayers Service (LTS) na sinasabing mabilisang tinapos o tinapos sa maliit na halaga lamang o malayo sa dapat bayarang buwis, gayundin ang umano’y nagaga-nap na ‘hijacking of tax cases’ o yaong mga malalaking kaso mula sa mga regional at revenue district office na sinasabing inaagaw sa kanila ng LTS at NID.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected]