KOLEKSYON NG SSS SA STA. MARIA BRANCH TUMAAS NG 33%

BULACAN- TUMAAS ng 33 porsiyento sa unang quarter ng taon kumpara sa kaparehong panahon ang nakolektang kontribusyon ng Social Security System (SSS) sa Sta Maria branch sa lalawigang ito.

Sa datos ni SSS acting branch head Mylene Siapno, nakakolekta ng P189.55 milyon mula buwan ng Enero hanggang Marso, mataas ito kumpara sa P142.37 milyon sa kaparehong panahon noong 2022.

Ayon kay VP for Luzon Central 2 Division Glo Andrada, resulta ito nang pinaigting na kampanya sa pamamagitan din ng Run after contribution evaders (RACE).

Ngayong araw, isa-isang pinuntahan ang mga opisyal ng SSS ang mga kumpanya kabilang dito ang Transport Service sa bayan ng Angat, isang Laboratory, 2 Furniture Companies, isang Gasoline Station at isang beauty salon sa bayan ng Sta. Maria.

Layo ng kanilang pagbisita sa mga may-ari ng kumpanya na ipaalala ang kanilang mga obligasyon sa kanilang mga mangagawa.

Katunayan noong nakaraang taon na RACE, lima mula sa anim na employers ang nakapagbayad na ng halagang P2.5 milyon mula sa P3.9 milyon na pagkakautang nila sa kanilang mga empleyado na una nang nagsampa ng reklamo sa SSS.

Samantala, tiniyak naman ni Atty. Vic Byron Fernandez, Manager lll Luzon Central Legal Department na nais nilang matulungan ang mga employer na matugunan ang reklamo sa hindi nila pagbabayad ng SSS contributions.

Sakaling hindi sila tumugon sa loob ng 15 araw na palugit sa pagsasaayos ng kanilang obligasyon maari silang sampahan ng kaso sa Korte. THONY ARCENAL