MASBATE- UNTI-UNTI nang nanunumbalik ang tiwala ng mga kasapi ng rebeldeng NPA sa gobyerno at patunay dito ang kanilang sunod-sunod na pagbabalik loob.
Sa probinsya ng Masbate, isa na namang miyembro ng rebeldeng grupo ang piniling muling tahakin ang maayos, marangal at tahimik na pamumuhay.
Sumuko sa pinagsamang operatiba ng Pio V. Corpus MPS; PIU at 2nd PMFC ng Masbate PPO; PIT-RIU5 at IOS FIID PNP-SAF ang isang rebeldeng itinago sa pangalang ”Marita”.
Siya ay aktibong miyembro ng Larangan 2, Komite ng Probinsya 4 sa ilalim ng COMPROB ng Rogelio Suson aka “Ka Manong” na nakatuon ang operasyon sa ikatlong Distrito ng Masbate.
Ayon kay Marita, nahikayat siyang sumali sa samahan noong taong 2009 kung saan aktibo itong nakikibahagi sa mga aktibidad bilang kolektor ng rebolusyonaryong buwis partikular na sa mga politiko at negosyante sa munisipalidad ng Pio V Corpus, Masbate.
Ang mga pera umanong nakukuha nito ay kanyang inihahatid sa iba pa nitong kasamahan na nakabase sa Brgy. Tawad and Brgy. Baras ng Esperanza, Masbate.
Ang patuloy na pagsuko ng mga miyembro ng NPA ay bunsod na rin nang pinalakas na Retooled Community Support Program na ipinapatupad ng PNP Bicol sa pamumuno ni BGen. Jonnel Estomo, RD upang hikayatin ang mga itong magbalik-loob sa pamahalaan. VERLIN RUIZ