KOLORUM NA TNVS HUHULIHIN

HANGGANG Agosto 31 na lamang ang ibinigay na ultimatum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Transport Network Vehicle Service o TNVS owners at operators upang ayusin ang mga kailangan nilang dokumento at makakuha ng provisional authority.

Ayon sa LTFRB, si­mula sa Setyembre 1, araw ng Sabado uumpisahan na nila ang paghuli sa mga TNVS na kolorum o walang awtorisasyon mula sa kanilang tanggapan.

Nabatid sa ahensiya na may hanggang Agosto 31 ang mga TNVS owner upang makakuha ng provisional authority.

Babala pa ng ahensiya na sapat na ang ibinigay nilang panahon para asikasuhin ng mga operator ang mga dokumento at iba pang mga kinakailangang rekisito na dapat komple­tuhin.

Ngayong araw na ito, Agosto 24 ay magsisimula na ang online registration para sa mga bagong certificate of public convenience (CPC) ng mga TNVS.

Paliwanag pa ng LTFRB na hindi tatanggapin ang aplikasyon para sa prangkisa sakaling hindi nakapagparehistro online ang mga TNVS units.     VERLIN RUIZ

Comments are closed.