KOLUMNISTA SABIT NA NAMAN

MASAlamin

Marahil dahil sa pagkataklesa niya. Mukhang may panibagong biktima na naman si Ramon Tulfo.

Ang nagsasabing makamahirap at galit sa mayaman na mamamahayag ay may nabiktima na naman ng kanyang mga mapanirang column at Facebook posts na para sa kanya ay journalism.

Ang bagong biktima ay si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre, na sa ngayon ay masaya na sana sa kanyang pribadong buhay subalit nagdesisyong lumantad upang magsampa ng apat na kasong libelo at siyam na kasong cyberlibel sa Manila Prosecutor’s Office. Ito ay upang patahimikin na si Tulfo sa kanyang mga pinagsasabi.

Sinampahan din ni Aguirre ng kaso ang mga opisyal ng Manila Times, kung saan ang mga mapanirang column ay inilabas at ang mga sinabing informants ng mga alegasyon ay naging basehan upang gamitin sa pag-atake kay dating kalihim ng Department of Justice.

Humihingi si Aguir­re ng P150 million sa moral damages at P50 million sa exemplary fees at attorney’s fees sa mga taong kanyang sinampahan ng kaso.

Magugunita na hindi ito ang unang pagkakataon na nagsampa ng kaso si Aguirre laban kay Tulfo. Noon pa man ay may mga sinulat na rin si Tulfo na mga mapanirang column laban sa dating kalihim at ito ay nagdulot ng pagsasampa ng kasong libelo na magpahanggang ngayon ay naka-file sa Manila Regional Trial Court Branch 46.

Ang bagong kaso na isinampa ni Aguirre laban sa tinaguriang holier-than-thou “columnist” ay bunsod ng mga sumusunod na columns na lumabas sa print at online version na manilatimes.net: “Living the life of the rich and famous” lumabas noong Abril 11, kung saan binansagan si Aguirre bilang protektor ng human trafficking syndicate sa Ninoy Aquino International Airport at umano nag-issue ng circular na inalisan ng power si Immigration Commissioner Jaime Morente para mag-assign at reassign ng mga bureau personnel.

Ang pangalawang column ay: “The ball is now in Secretary Guevarra’s Hands” na inilabas noong Abril 13, kung saan sinabi rito na si Guevarra umano ay tumanggap ng pera mula sa nasabing sindikato kahit na nag-resign na siya bilang Justice Secretary.

Ang pangatlo ay: “Bato, a clown in the staid Senate” na lumabas noong  Hulyo  11, kung saan sinabi na si Aguirre umano ay protektor ng sindikato.

Ang pang-apat naman ay: “Why Digong scrapped all PCSO franchises” na inilabas noong Hulyo 30, kung saan sinabi na ang small-town lotteries ay lumobo sa kasalukuyang admi­nistrasyon upang ma-accommodate ang ilang tao kasama na si Aguirre.

Malisyoso rin umano ang mga Facebook posts ni Tulfo kung saan inulit niya ang mga sinulat niyang nakakasira sa pagkatao ng dating kalihim. Ang mga column ay naka-post noong Abril 9, Abril 13 at Hunyo  8.

Ayon kay Aguirre, masyado nang foul ang mga ginagawa ni Tulfo, na kadalasan naman niyang ginagawa, at nakakasira at nakakainsulto sa dating DOJ secretary, na nagmula lang sa mga informant ni hindi man lamang kinuha ang side ni Aguirre kung ito man ay totoo o hindi.

Ang ginawa ni Tulfo, na patuloy rin niyang ginagawa base sa rami ng kanyang libel case na nakasampa laban sa kanya hindi lamang kay Aguirre, ay kabaligtaran ng tunay na journalism, na kinakailangan ng masu­sing pagbeberipika ng mga impormasyon at kinukuha ang side ng mga taong involve sa kanyang mga sinulat bago ito ilabas o i-publish.

Ang isang tunay na mamamahayag ay hindi gumagawa ng sariling konklusyon o binibigyan niya ng maling info ang mga tao upang gumawa rin ng sariling konklus­yon.

Sa ngayon ay akala ng marami na natuto na siya sa mga pinagdaanan niyang gusot subalit dahil ngayon lumalabas na hindi pa siya natututo ang advice namin ay mabuti pang umalis na siya sa industriya ng journalism.

Comments are closed.