INAPRUBAHAN ng House Committee on Ways and Means ang motion dito ng paghahain ng kaso laban sa mga partidong may kinalaman sa illegal na importasyon umano sa bansa ng disposable e-cigarettes na tinaguriang “vape” na nagkakahalaga ng P1.43 bilyon.
Ang naturang hakbang ng House Committee on Ways and Means na pinamumunuan ng Chairperson nitong si Albay 2nd District Representative Joey Sarte Salceda ay bunga ng pag-adopt ng komite sa motion na inihain ni Cagayan de Oro, 2nd District Representative Rufus Rodriguez noon pang Nobyembre 2023, at tinalakay ng tatlong beses ng panel.
Iginiit ni Rodriguez na hindi nagbabayad ng excise tax at iba pang duties na obligasyon ng legal na importers, ang pagpasok ng kanilang mga produkto sa bansa.
“This ultimately redounds to a big loss in tax revenues intended for universal health care granting medical access to all Filipinos through the state-run Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth),” ayon kay Rodriguez.
Ito ay matapos matuklasan ng ilang tauhan ng Customs at ilang tagapagpatupad ng batas ang umaabot sa P1.4 milyong halaga ng disposable e-cigarettes sa isang warehouse sa Valenzuela na kanilang ininspeksyon.
Ipinahayag din ni Salceda ang isang ulat mula sa Philippine delegation World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control in Panama City kamakailan na nagtanong ukol sa nakabinbin na pagpapatupad anya ng Pilipinas ukol dito na Republic Act 11900, s. 2022 o “Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.”
Iginiit ni Salceda na ang ‘di pa nabubuong implementing rules and regulations (IRR) upang maipatupad ang naturang batas na may deadline pa upang mabuo ito ng Hunyo sa taong ito ay hindi umano dapat maging dahilan upang maipatupad ito.” IRR have yet to be issued, with the deadline for its issuance set on June 2024. It should be noted that RA 11900 provides that “non-issuance of the IRR shall not prevent the implementation” of the law,”ayon kay Salceda.
Hindi pa napangalanan ang mga naturang importers as of press time.Ma. Luisa Macabuhay-Garcia