KOMPANYA IPINASARA NG PASIG BIR

OPLAN-KANDADO

PASIG CITY – IPINATAW ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue Region No. 7-Quezon City sa pangunguna nina RR7 Director Marina C. De Guzman at Asst. Director Albino Gallanza  ang isa sa pinakamabigat na parusa laban sa isang kompanya na lumabag sa tax law at ito ay ang pagpapasara o  Oplan Kandado.

Ayon kay RDO 43 Officer Rufo Ranario, napilitan na silang ipa­sara ang The Greenhouse Inc. na may TIN IN 008-184-272-000 na may address sa 57 East Capitol Drive, Barrio Kapitolyo, Pasig City at paggawaan ng beauty and wellness products dahil sa paglabag nito sa Section 115  ng  National  Internal Revenue Code of 1997.

Noong Agosto 16 ay tinungo ng mga tauhan ng BIR ang nasabing establisimiyento at kabilang sa operasyon ay ang yunit ng RR7 Investigation Division na ilang araw nang nag-surveillance sa nasabing establisimiyento kaakibat ng pagsusuri sa iniisyung resibo sa bumibili sa kanilang produkto.

Ang closure order na pirmado ni Arnel SD Guballa, deputy commissioner, operations group ng BIR  ay tinanggap ni Jonnalyn Valencia, sales ambassador.

Bago isara at ikandado ang establisimiyento ay ipinaliwanag ng mga BIR official sa mga tauhan ng The Greenhouse Inc., ang violations nito at sinabihang lisanin ang lugar.

Sakali aniyang nakapag-comply ang may-ari ng nasabing kompanya ay maaari na muli silang mag-operate.

Batay sa record, noong 2014 pa sinulatan ng BIR ang nasabing kompanya subalit sa hindi malamang dahilan ay hindi ito nakikipag-usap sa kanila habang nadiskubre rin na hindi ito nagpapasa ng income tax returns (ITR) simula sa nabanggit na taon hanggang 2016.

Kabilang sa binusisi ay ang mga resibo na iniisyu ng kompanya sa kanilang mamimili at nakitaan din ng mga paglabag.

“Ayaw naman na­ming gawin ang pagpapasara subalit ang aming hakbang ay pagsunod lamang sa tax laws, dapat maunawaan ng mga tax payer na alinsunod sa batas,  mayroon ka­ming tax goal at kung hindi kami susunod, kami naman ang mananagot at ang mabigat niyan ay sumailalim kami sa attrition law,” paliwanag ni Ranario.

OPLAN KANDADO: FEAR FACTOR VS TAX ISNABERO

Ikinokonsidera naman na isang strong message ang ginawang pagpapasara sa The Greenhouse Inc., sa iba pang kompanya na nagmamatigas at ayaw mag-comply sa tax law.

Gayunman, tiniyak ni RDO 43 Assistant Officer Cynthia Lobo na alinsunod sa itinadhana ng batas ang kanilang naging hakbang.

Bilang katunayan ay marami na silang ibi­nigay na reminders sa naisarang establisimiyento.

Aniya, ang Oplan Kandado ay magsisilbing fear factor sa kagaya ng isinarang establisimiyento na ibigay rin ang obligasyon sa pamahalaan, at ito ay ang pagbabayad ng buwis.

“Actually, it is the one of the program that would consider as fear factor na kapag nalaman ng iba na naisara ito,  because  of non-compliance ay magiging aral na rin sa kanila at sa iba pa,” ayon kay Lobo.

Sa record ng RDO 43, mahigit P28 milyon ang nawala sa kaban ng bayan dahil sa kabiguan ng nasabing kompanya na tumugon sa tax law, ayon pa kay Ranario.

MAGSILBING WARNING ANG OPLAN KANDADO

Para naman kay RR7 Regional Director Marina C. De Guzman,  isang malakas na mensahe para sa mga negosyante ang pagpapasara sa nabanggit na kompanya na may kabuuang sangay na 30 sa buong bansa.

“I considered this a very stern warning for not complying for the tax laws,” ayon kay De Guzman.

Kaya naman hini­mok nito ang mga negosyante na huwag na silang hayaang magsagawa ng pinakaistriktong parusa, ang Oplan Kandado at pagsasampa ng tax evader’s case.

“Ako po ay nanawagan sa lahat ng mga taxpayer na nasasakupan ng BIR Region No. 7-Quezon City na bayaran ang tamang buwis at huwag na pong hintayin ang pagkakataon na i-apply namin ang hard o strict approach katulad ng Oplan Kandado o filing ng tax evader’s case at mag-voluntary payment na po ang mga negosyante dahil mahirap po talaga ito,” panawagan ng RR7 regional director.

Nilinaw din ni De Guzman na umiiwas sila na mapahiya ang mga tax payer subalit wala silang magagawa kundi ipatupad ang itinadhana ng tax laws.  EUNICE C.

Comments are closed.