KOMPANYA NG LANGIS MAY PRICE HIKE SIMULA NGAYON

NAG-ANUNSIYO ang ilang kompanya ng la­ngis na magkakaroon ng dagdag sa presyo ng kanilang mga produkto simula ngayong araw.

Ito raw ay bunsod sa paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa Petro Gazz, PTT Philippines, Eastern Petroleum, Phoenix Petroleum, Caltex, Shell, SEAOIL, at Unioil, magkakaroon sila ng P0.70 dagdag sa kada litro ng diesel at P0.80 dagdag sa kada litro ng gasolina.

Tataasan din ng Shell, Caltex, at SEAOIL ng P0.40 ang kada litro ng kanilang kerosene.

Hatinggabi magpapatupad ng mga bagong presyo ang Caltex. Magiging epektibo naman ito sa Petro Gazz, Shell, Eastern Petroleum, Phoenix Petroleum, PTT Philippines, SEAOIL, at Unioil simula alas-6 ng umaga.

TAAS-PRESYO DAHIL SA BUWIS

Sa kabila ng taas-presyo dahil sa presyo sa pandaigdigang merkado, may 300 gasolinahan na rin ng Petron at Flying V sa buong bansa ang nagtaas ng presyo dahil sa epekto ng mas mataas na buwis sa langis, base sa tala ng Department of Energy.

Pinadalhan na ng show cause order ang mga naturang gasolinahan upang ipaliwanag kung bakit nagtaas ang mga ito ng presyo.

Nauna nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na sa kanilang pagtatantiya, nasa 15 days hanggang isang buwan pa ang itatagal ng lumang stock ng langis ng mga oil company at sa bagong stock lang dapat ipataw ang taas-presyo dahil sa buwis.

Ibig sabihin, dapat daw ay sa kalagitnaan o katapusan pa ng Enero magkaroon ng taas-pres­yo dahil sa dagdag-buwis sa langis.

Comments are closed.