KOMPANYA NG LANGIS NAGDAGDAG-BAWAS SA PRESYO NG PETROLYO

PETROLYO-17

ILAN pang kompanya ng langis ang nag-anunsiyo ng kanilang taas-presyo ng gasolina habang may tapyas sa presyo ng diesel at kerosene.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng SEAOIL  Philippines Inc. at Chevron Philippines Inc. (Caltex) na magdadagdag sila ng presyo kada litro ng gasolina ng P0.25 habang magbabawas ng pres­yo ng diesel ng P0.40 kada litro at kerosene ng P0.35 kada litro.

Magpapatupad ang PTT Philippines Corp., Eastern Petroleum Corp., TOTAL (Philippines) Inc., at Phoenix Petroleum Philippines Inc. ng parehong adjustments, maliban sa kerosene na hindi nila dinadala.

Magiging epektibo ang pagbabago ng pres­yo ng 6 am, ngayong araw ng Martes, Hulyo 9, para sa lahat ng kompanya, maliban sa Caltex na magpapatupad ng kanilang adjustment sa 12:01 am ng parehong araw.

Nauna nang inanunsiyo ng Petro Gazz at Pilipinas Shell Petroleum Corp. ang kaparehong pagbabago, habang ang ibang kompanya ay gagawa pa ng pagbabago.

Sa huling datos na ibinigay ng Department of Energy (DOE), nakita na ang presyo ng gasolina sa kasalukuyan ay nasa P43.20 hanggang  P58.61 kada litro, diesel ng  P39.05 hanggang P46.55, at kerosene mula 40.50 hanggang  P53.75.

Maliban sa huling pagbabago, ang year-to-date adjustments ay nagpapakita ng net increase ng P4.90 kada litro ng gasolina, P3.70 kada litro para sa diesel, at P2.10 kada litro para sa kerosene.