KAKASUHAN ng Bureau of Immigration (BI) ang mga kompanyang mahuhuling nagkakanlong ng mga illegal Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) worker.
Ito ang inihayag ni Immigration Commissioner Joel Viado matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang total closure ng POGO para tuluyan nang mahinto ito.
Matatandaan na binigyan ng pamahalaan ng palugit ang mga kompanya ng POGO hanggang katapusan ng Disyembre na ihinto ang kanilang operasyon upang mabigyan ng panahon o preparasyon para sa pagpapauwi ng kanilang mga POGO worker pabalik sa kani-kanilang mga bansa.
Nitong nakaraang araw inanunsyo ni Commissioner Viado ang repatriation ng mahigit sa 11k mga dayuhan na sangkot sa illegal operasyon ng POGO na inaresto ng mga tauhan ng pamahalaan sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon sa ibat-ibang lugar sa Pilipinas.
Batay sa impormasyon mahigit sa 30k POGO workers ang bilang ng mga naaresto ng mga ito at kasalukuyang nasa pangangalaga ng mga awtoridad habang naka-pending ang kanilang deportation order sa BI Board of Commissioners.
Kaugnay nito, patuloy ang hot pursuit operation ng pamahalaan sa iba pang POGO workers na nagtatago sa ibat-ibang lugar sa bansa makaraang ipagbawal ng pamahalaan ang POGO.
FROILAN MORALLOS