KINUWESTIYON ni Senador Cynthia Villar ang planong konbersyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resource (BFAR) sa isang departamento.
Sa isang pagdinig sa Senado, tinanong ni Senador Raffy Tulfo ang pananaw ng mga resource person sa ideya ng paggawa ng departamento para sa pangisdaan at aquatic resources na una ng binanggit ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III para tugunan ang mga problema sa sektor.
Ayon kay Tulfo, ipinalulutang niya ang ideya sa pagdinig ng Senado dahil naobserbahan niyang mas mababa ang budget na natatanggap ng BFAR kumpara sa ibang attached agencies ng Department of Agriculture (DA).
“The reason that I said that is kasi mukhang napapabayaan kayo. Mukhang kayo ang miyembro ng pamilya na hindi po minamahal,” ayon kay Sen. Raffy Tulfo.
Si Villar, chairperson ng Senate agriculture, food, and Agrarian Reform Committee at sponsor ng annual budget ng DA, ay mabilis na nagpahayag ng hindi pagsang-ayon sa obserbasyon ni Tulfo, sinabing nabigyan ng pondo ang BFAR ngunit hindi nila ginagawa ang tungkulin nito.
“Di totoo yon…talagang ang Pilipinas po is limited ang resources niya. So hinahati hati sa lahat. Kung mayaman tayong bansa okay lang yon na bigyan natin ng pera,” ayon naman kay Sen. Cynthia Villar.
Tinukoy ni Villar na nagpasa ang Kongreso ng batas para sa paglikha ng 41 fish hatchery ngunit hindi ito ipinatupad ng BFAR.
Paliwanag ni Villar, 55% ng budget para sa paglikha ng isang departamento ay mapupunta sa personnel services at overhead cost habang 45% lamang ang mapupunta sa actual services. Liza soriano