KONGRESO DETERMINADONG IPASA ANG 2019 BUDGET

Albay-Rep-Joey-Salceda

TINIYAK ni Albay Rep. Joey S. Salceda na determinado ang Kongreso na ipasa ang 2019 National Expenditure Program (NEP) o budget. Binigyang diin niya na hindi mabuting patakaran ang “reenacted budget” dahil hindi nito sinasalamin ang mga pagbabago sa mga pangangailangan ng mga mamamayan at bayan, lalo na ang pagpapasulong sa bansa.

Nauna nang naipahayag ng ilan na sa ilalim ng “reenacted budget,” malalagay sa alanganin ang nakatakdang dagdag sahod ng mga unipormado at sibilyang mga tauhan ng gobyerno, ang 2019 halalan, ang pagho-host ng Southeast Asian Games, ang pagpapalawak sa libreng tuwisyon para sa mga nag-aaral sa mga pribadong kolehiyo, at ang  ‘inflation safety nets’.

“Ang mga mamamayan, hindi ang Kongreso, ang lugi sa ilalim ng “reenacted bud­get” na nagbibigay rin ng ma­ling pahiwatig sa mga dayuhang mamumuhunan tungkol sa kakayanan ng Filipinas na sustinihan ang agos ng reporma nito,” diin niya.

Ipinaliwanag  pa ng mambabatas na malaki ang mawawalang mga benipisyo ng mga pulis at sundalo na aabot sa P158 bilyon ngayong 2019, “dahil walang kapangyarihan ang “reenacted budget” na maglaan ng P84 billion para sa dagdag sahod nila gaya ng isinasaad ng House-originated Joint Resolution No.1.” Wala ring probisyon sa 2018 badyet para sa Pension Indexation nila na aabot sa P40 bilyon bukod pa sa ka­ragdagang P33.8 bilyon para ‘arrears’ o nakaraang utang ng indexation.

“Ang mga 1.2 milyon nating mga nagtatrabaho sa pamahalaan ay mawawalan din ng malaki dahil nasa 2019 badyet ang ika-4 na laan para sa kanila sa ilalim ng  Salary Standardization Law na aabot sa P58.1 bilyon. Makokompromiso ang pagho-host ng Filipinas sa 2019 SEA Games dahil nasa 2019 badyet ang laang P6-bilyon para rito at walang probisyon sa 2018 badyet. Malaki rin ang malu­lugi  sa turismo,” dagdag niyang paliwanag.

Ayon kay Salceda, bukod sa mga nabanggit na, makokompromiso rin ang halalan sa darating na Mayo na mangangailangan ng P6 bilyon dahil ang laan sa 2018 budyet ay para lamang sa mga ‘Preparatory Activities.’ Ganoon din ang libreng tuwisyon, ang P4s na may laang P36 bilyon, ang ‘inflation safety nets’ at ang mga programa ng Department of Public Works and Highways at Department of Transportation na kailangan para palaguin at pasulungin ang kakayanan at progreso ng bansa.

Tiyak na maipapasa ng Kongreso ang 2019 budget ngunit kailangan ding bigyan ng mahigit isang taon ang ‘one-year life’ ng mga malalaking impraestraktura na hindi makasusunod sa ‘cash-based budget  scheme’ ng DBM. “Kailangan na­ting lumikha ng ‘fiscal space’ para makapagpagawa ng mga paaralan at mga pangkalusugang pasilidad sa buong bansa,” giit ni Salceda.

Comments are closed.