KONGRESO INAKSYUNAN ANG SUMBONG NA INILAPIT KAY TULFO

ISANG pagdinig ang isasagawa ngayong umaga sa Kongreso hinggil sa reklamong inilapit ng mga local appliance manufacturers kay House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ACT-CIS partylist laban sa mga produktong galing China.  

Ayon kay Rep. Tulfo inimbitahan ang iba’t ibang local appliance manufacturers ng Pilipinas sa pagdinig ngayong umaga ng House Committee on Trade and Industry dahil sa kanilang sumbong noong nakaraang buwan na pinapatay ng mga produktong galing China ang mga produkto ng Pilipinas.

“Halos 300,000 na manggagawang mga Pinoy ang mawawalan ng trabaho kung magsasara ang mga factory ng mga local appliance brands dahil sa pagpasok ng mga Chinese products sa bansa”, ayon kay Cong. Tulfo.

Aniya, “ang sumbong sa amin sa ACT-CIS ay galing China ang mga appliances na ito na inoorder online at hindi na dumaan sa quality inspection o sumusunod sa Department of Trade and Industry (DTI) standards.

Ilan sa mga local appliance manufacturers ay ang Hanabishi, LG, Tough Mama, Whirlpool, Haier, Beko, La Germania, Fukuda, at Concepcion Industries.

“At dahil nga inoorder online sa pamamagitan ng Shoppee o Lazada, hindi na dumadaan sa DTI for inspection ang mga binibili na appliances”, ayon pa kay Tulfo.

Dagdag pa ni Cong. Tulfo, “Papaano makikiapagkumpitensya ang mga local brands natin kung ang mga inoorder online ay hindi na dumaan sa inspeksyon o di kaya’y nagbabayad ng buwis ?”

Para naman kay ACT-CIS Cong. Edvic Yap, “Pag hindi natin magawan ng paraan ang problemang ito, hindi makatarungan na magsasara ang mga kumpanayang Pilipino at marami ang mawawalan ng trabaho dahil lamang sa mga mumurahin ngunit hindi siguradongkalidad na produktong galing China.”

“Therefore unfair competition ito dahil yung mga kumpanya natin dumadaan sa masusing inspeksyon at testing ang mga produkto habang ang nabibili online ay walang inspeksyon-inspeksyon”, pahabol ni Cong. Yap.