KONGRESO MAGKAPIT-BISIG VS FAILURE OF ELECTIONS

SEN IMEE MARCOS-5

NANAWAGAN si Senadora Imee Marcos na imbestigahan ng Kongreso sa madaling panahon ang umuugong na na-hack ang automated election system (AES) ng bansa na maaaring mauwi sa senaryong failure of elections.

Ipinanawagan ito ni Marcos bilang chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation kasunod nang inihain nitong Senate resolution para imbestigahan ang iskup ng media na itinanggi naman ng gobyerno na lubhang nakompromiso ang personal data privacy at cybersecurity controls ng Commission on Elections noong weekend.

Kabilang sa mga ipatatawag ni Marcos na dumalo sa pagdinig ang Comelec, National Privacy Commission,  Department of Information and Communications Technology Cybercrime Investigation And Coordinating Center (DICT-CICC), National Bureau of Investigation Cybercrime Division, Manila Bulletin, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), National Movement for Free Elections (Namfrel), Legal Network for Truthful Elections (Lente), Democracy Watch, at Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) /AES Watch.

“Nangangamba akong mangyari ang failure of elections at ang magreresulta ng krisis sa Konstitusyon kapag pinagkaitan ang 67 milyong Pinoy ng kanilang tsansa na makapaghalal ng bagong presidente, bise-presidente, at Kongreso sa Mayo,” ani Marcos.

“Sa gitna nito, naniniwala at umaasa kami sa pangako ni Pangulong Duterte sa nakaraang global Summit for Democracy na matutuloy ang tapat, payapa, may kredibilidad at malayang eleksiyon,” dagdag ng senadora.

Sa ilalim ng Omnibus Election puwedeng ideklara ang failure of elections dahil sa fraud o panloloko. Ayon din sa Republic Act 7166, ang mga dahilan para sa failure of election ay maaring mangyari bago pa man, sa gitna ng, o pagkatapos ng pagbilang ng mga balota.

Ayon sa mga hacker, nagkaroon sila ng access sa 60 gigabytes ng sensitibong AES data ukol sa mga tauhan ng Comelec, mga lokal at mga Pilipinong botante sa abroad, gayundin sa mga voting machine at mga voting precincts, pero tiniyak naman ng Comelec na ligtas pa rin ang kanilang mga server.

“Sa laki ng pag-hack na naiulat, umuugong na may mga lokal at dayuhang grupo daw na gustong maitulak ang fai­lure of elections. Titiyakin ng JCOC at ng electoral reforms committee na ugatin ang pinagmulan nito,” paniniguro ni Marcos VICKY CERVALES