KONSEHAL, 1 PA TINAMBANGAN SA MASBATE

TINAMBANGAN

PANAHON ng filing ng certificate of candidacy (COC) para sa May 2019 elections ay mainit na naman sa lalawigan ng Masbate bunsod ng pagkakaroon ng patayan.

Sa ulat na nakara­ting sa PILIPINO Mirror, patay sa magkahiwalay na pananambang ang dalawang katao kabilang ang isang incumbent municipal councilor.

Kinilala ang konsehal na si Antonio De Ocampo na pinagbabaril ng mga hindi pa kilalang mga salarin sa Barangay Katipunan sa bayan ng Placer.

Kasama ng konsehal ang kanyang pinsan na si Michael Angelo de ­Ocampo nang maganap ang krimen.

Nakaligtas sa pama­maril si Michael Angelo at kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Plano umanong mu­ling tumakbo ni Antonio para sa 2019 elections at nakatakda sanang magsumite ng kanyang COC  ngayong araw.

Patuloy namang ina­alam kung politika ang motibo sa krimen.

Samantala, sa bayan naman ng Uson, pinagbabaril din ang dalawang lalaki na sina Oscar Fernandez, 28-anyos at Rocco Borris, isang habal-habal driver.

Pinaulanan ng bala ng mga suspek sina Fernandez at Borris sa Barangay Libertad.

Agad na nasawi si Fernandez habang ginagamot si Borris sa ospital.

Nakilala ang mga suspek sa pamamaril na sina Renald Alvarado, alyas “Pusiw,” at Recto Araneta alyas “Canyot.”

Agad na tumakas ang dalawa matapos ang krimen at kasalukuyan nang pinaghahanap ng mga pulis. AIMEE ANOC

Comments are closed.