BAGUIO CITY- BUGBOG sarado ang isang bagitong pulis makaraang pagtulungang gulpihin at agawan ng baril ng tatlong kalalakihan kabilang ang isang town councilor na sinasabing lango sa alak noong Bagong Taon ng gabi sa bayan ng Dolores, Abra.
Ayon sa police report, kinilala ang biktima na si Patrolman Lowie Gie Itchon habang pinaghahanap naman ng pulisya ang mga suspek na sina Sangguniang Bayan member Russ Zapata, Jaja Turqueza at isang alyas Jong Jong Turqueza na sinasabing sinikwat ang service firearm ng nasabing pulis.
Base sa report na nakarating kay Cordillera police director Brig. General RWin Pagkalinawan, bago maganap ang insidente ay nagpapatrolya sakay ng motorsiklo si Police-woman Phoebe Chumanao nang mamataan ang grupo ni Councilor Zapata sa isang noodle shop.
Pinagsabihan ni Chumanao ang mga suspek na umuwi na dahil sa curfew hours simula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga subalit, sinigawan at dinuro- duro ng mga ito ng nasabing pulis kaya umalis at bumalik ito sa Dolores Police Station.
Ilang minuto ang nakalipas, namataan naman ni Patrolman Itchon ang grupo ni Zapata na nakatambay sa noodle shop kung saan pinagsabihan din umuwi na dahil sa curfew hours at dito ay pinagtulungan gulpihin ng mga suspek ang biktima bago tumakas at tinangay pa ang service firearm ng pulis.
Kinondena ni Pagkalinawan ang town councilor kung saan inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa mga suspect.
“We will not allow these things to happen, especially to our personnel who are working hard to keep our community safe,”galit na pahayag ni Pagkalinawan. MHAR BASCO
Comments are closed.