PAMPANGA – HINDI na nagawa pang mailigtas sa tiyak na kamatayan ang konsehal ng Arayat habang sugatan naman ang kasama nitong barangay chairman matapos na pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek sa bayan ng Arayat sa lalawigang ito.
Batay sa report, ang biktimang si Arayat Councilor Federico Hipolito ay binawian ng buhay habang sugatan naman si Batasan Barangay chairman Lito Trinidad.
Ayon kay Col. Jay Dimaandal, Director Pampanga Police Provincial Office (PPO), makikita sa CCTV noong umaga ng Martes sa barangay Telapayong , bumaba ng sasakyan ang mga biktima at patawid sa barangay para sa ginagawa nilang medical mission.
Nakita sa CCTV ang mga suspek na sakay ng motorsiklo na tumawid din sa kabilang kalsada saka sinalubong ang mga biktima at pinagbabaril si Hipolito na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan habang tinamaan naman ng ligaw na bala si Trinidad.
Matapos ang pamamaril mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi mabatid na direksyon.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkalap ng impormasyon sa pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran pagdakip.
EVELYN GARCIA