MISAMIS ORIENTAL – DAHIL sa pag-iingat ng mataas na kalibre ng armas na walang dokumento, hinuli ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CDIG)-10 ang isang municipal councilor ng bayan ng Tagoloan.
Kinilala ni CIDG-10 Reg Dir Lt. Col. Reymund Liguden ang suspek na si Tagoloan Municipal Councilor Roger Achas.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Liguden na kanilang inaresto si Achas sa pamamagitan ng search warrant.
Nakuha mula sa kaniya ang dalawang .45 caliber pistol at isang KG submachine gun at maraming mga bala.
Ayon kay Liguden, na kanila pang kinukumpirma ang report na matagal nang sympathizer ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasabing konsehal.
Ngunit mariing itinanggi ng suspek na isa siyang NPA sympathizer at kaniyang pag-aari ang mga baril na nakuha mula sa kaniyang bahay.
Aniya, isinangla lamang sa kaniya ang mga armas kung kaya’t wala siyang maipakitang dokumento.
Kasong illegal possession of firearms and ammunition at paglabag sa Comelec gun ban ang kahaharaping kaso ng suspek. AIMEE ANOC