KONSEHAL TODAS SA SAKSAK

ALBAY- HINDI na nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang opisyal ng barangay matapos saksakin sa loob ng kanyang tahanan sa Legaspi City.

Batay sa report ng pulisya, ang biktima ay nakilalang si Noel Vargas,66-anyos, Konsehal ng Barangay Sabang sa naturang lungsod.

Lumitaw sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-5:15 ng hapon sa loob ng bahay ng biktima nang bigla na lamang itong pasukin ng hindi nakilalang suspek.

Pagpasok ng suspek sa bahay ng biktima ay agad nitong inundayan ng sunod-sunod na saksak, saka nagmamadaling tumakas ang suspek dala ang kutsilyong ginamit sa krimen.

Agad namang isinugod sa malapt na pagamutan ang biktima subalit binawian din ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Sa isinagawang follow up operation, nadakip ang suspek na kinilala lamang sa alyas “Boyet” habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente. EVELYN GARCIA