SISIMULAN na ang konstruksiyon para sa Light Rail Transit Line (LRT1) extension project sa Bacoor, Cavite sa Abril, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
“Ito pong Abril na ito ay sa wakas mauumpisahan na po natin ‘yung tinatawag nating actual works doon po sa extension ng LRT1 patungong Cavite,” wika ni Transportation Undersecretary Timothy John Batan.
“Matagal na po ito, marami na po tayong kababayan lalo ‘yung galing Cavite, galing sa area na ‘yun, na nagtatanong kung nasaan na ba ‘yung extension ng LRT1,” aniya.
Ayon sa DOTr, ang LRT1 Cavite extension project na magkokonekta sa umiiral na Baclaran Station, ay target na matapos sa 2021.
Ang naunang target ng konstruksiyon ng LRT1 Cavite extension ay noong mid-2018, subalit ipinagpaliban ito noong Okubre ng nakaraang taon dahil sa isyu ng right-of-way.
Kayang i-accommodate ng 11.7-kilometer extension project ang 410,000 pasahero araw-araw sa opening year nito at mapabibilis ang biyahe mula Parañaque hanggang Bacoor sa 30 minuto mula 90 minuto.