KONSULTASYON NG SENADO AT MOTORCYCLE RIDERS ISINAGAWA

Senador JV Ejercito

NAGSAGAWA ng konsultasyon ang Senado at ang mga grupo ng motorcycle rider kaugnay sa magiging implementasyon ng double plate sa mga motorsiklo na inaalmahan ng nasabing grupo.

Pinangunahan ni Senate Committee on Public Services Senador Joseph Victor Ejercito ang naturang konsultasyon na sinabing kaisa ito ng mga rider para sa kanilang kaligtasan sa lansagan.

Lumabas sa konsultasyon na hindi ligtas ang size ng metal plate na ilalagay sa harap ng motorsiklo na posibleng malagay pa sa panganib ang mga rider.

Sa nasabing konsultasyon ay inamin ng  motorcycle manufacturers na hindi angkop ang napakalaking plaka na ilagay sa mga motorsiklo na maaring malagay sa panganib ang mga rider.

Sinabi rin ng mga manufacturer na maging sa likod ng motor ay hindi rin angkop ang size ng metal plate na maaring mapunit at matatakpan ang ilang safety sign ng motorsiklo.

Sa pamamagitan ng nasabing konsultasyon, nakahinga nang maluwag ang mga rider nang sabihin ni  Land Transportation Office Chief Asec. Edgar Galvante na hindi metal plate ang kanilang gagawing proposal na plaka sa harap ng motor.

Sinabi pa ni Galvante na welcome sa kanya ang magiging mungkahi ng mga rider sa kanilang isinagawang IRR para sa pagpapatupad ng RA 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act.

Ikinatuwa naman ni Ejercito ang naging pahayag ni Galvante na pakikinggan ang mga hinaing ng mga rider at hindi na metal plates ang ilalagay sa harap ng motorsiklo.

Gayunpaman, iginiit pa ng senador na hindi magiging epektibo ang batas hanggat hindi pa opisyal na nailalabas ang IRR. VICKY CERVALES

Comments are closed.