TINIYAK ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na nakonsulta ang iba pang rehiyon sa bansa na nagpapatupad na rin ng alert level system ngayon.
Ito ay kaugnay sa pag-alma ng League of Provinces of the Philippines (LPP) noong unang ipinatupad ang alert level system sa labas ng Metro Manila dahil hindi umano nakonsulta ang mga local government unit.
Ayon kay Roque, nasabihan niya ang LGUs bago ito tuluyang ipatupad araw ng Lunes.
Matatandaang pinalawig ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pilot implementation ng alert level system sa Region 3, 6 at 10 simula Nobyembre 1.
Samantala, lumiliit na lamang ang tiyansa sa pagsirit ng kaso ng Covid-19 sa National Capital Region, ayon sa OCTA Research Group.
Sa laging handa briefing, sinabi ni OCTA Research Senior Fellow Dr. Guido David na suportado nila ang pagsasailalim sa Metro Manila sa alert level 2.
Ani ni David, ilan na lamang ang LGU sa NCR ang may positive growth rate at lahat ng LGU ay may reproduction number na mababa na sa isa.
96% na rin umano ng senior citizens ang nakatanggap na ng kanilang first dose habang 80% ang fully vaccinated na.
Binigyang diin ni David na dapat pa rin magpatuloy sa pagsunod ang publiko sa mga ipinatutupad na health protocols sa bansa. DWIZ882