‘KONSYERTO SA PALASYO’ NI PANGULONG MARCOS

UMARANGKADA na nga pala nitong Martes, Abril 11, ang joint military exercises o Balikatan 2023 sa pagitan ng Pilipinas, United States of America at Australia.

Aba’y isinasagawa ito sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Nakatuon ang Balikatan ngayong taon sa maritime defense, coastal defense, at maritime domain awareness sa Palawan, Antique, at Northern Luzon.

Kung hindi ako nagkakamali, aabot sa 17,600 tropa ang kalahok dito.

Ito ang pinakamalaking taunang bilateral exercise na pinamumunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kasama ang US Armed Forces.

Sinasabing mula sa tropang naturan, 12,000 ang magmumula sa US habang ang iba ay mga tropa ng Pilipinas.

Matindi ang sakripisyong ginagawa ng mga sundalo natin.

Kaya bilang pagkilala at pagsaludo sa kagitingan nila, nakatakdang buksan ang Palasyo ng Malacañang para bigyang entablado ang mga bagong performing artists mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Bunga ito ng gaganaping ‘Konsyerto sa Palasyo’ o KSP ngayong ika-22 ng Abril 2023, 6:30 PM, Sabado po iyan.

Ang hindi malilimutang gabi na puno ng samu’t saring pagtatanghal ay handog para sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Ang KSP na serye ng mga konsyerto sa loob ng Palasyo ay inisyatibo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Siyempre, itatampok dito ang pinakamahuhusay at mga bagong artista bilang pagbibigay-halaga sa mayamang kultura at world class talent ng mga Pilipino sa performing arts.

Para kay PBBM, hindi dapat maiwanan ang creative industry kasabay ng pag-arangkada muli ng ekonomiya ng bansa.

Bibida rito ang mga singer, instrumentalists, dancers at movement artists, rappers, spoken word artist, rock vocalists, theater artists, beatbox artists at marami pang iba.

Unang magtatanghal ang mga taga-Cebu, Ilocos Norte, Quezon, Cavite, Iloilo, Metro Manila at Davao.

Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, idaraos ang aktibidad bilang pagkilala sa sakripisyo ng AFP para panatilihin ang kasarinlan, kapayapaan at seguridad sa bansa.

Kabilang sa mga sasaksi rito ang mga sundalo at kanilang mga pamilya.

Hatid ng Office of the President (OP), Presidential Communications Office (PCO), Social Secretary’s Office (SOSEC) at Presidential Broadcast Staff-Radio Television Malacañang (PBS-RTVM), ang konsiyerto ay ipapalabas nang live sa Facebook ng Radio Television Malacañang, Office of the President at Bongbong Marcos Facebook page.
Abangan!