ANG MERALCO ay nag-anunsiyo na magbababa ng singil sa koryente nitong buwan. P10.0732 per kWh daw ngayong buwan ng Setyembre kumpara sa P10.2190 kWh noong buwan ng Agosto. Kaya bumaba ang singil sa koryente ng P0.1458 per kWh. Kung ihahambing natin ito sa isang ordinaryong sambahayan (household) na may konsumo ng 200kWh, makakamenos sila ng P29 sa kanilang bayad sa koryente sa buwan na ito.
Sabi nga ng tagapagsalita ng Meralco na si Joe Zaldarriaga na ito ay kontra agos sa kasalukuyan nagtataasan na mga presyo ng mga pangunahing bilihin. Kasama na rin ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa paliwanag ni Joe Z, ito ay dulot ng mababang palitan ng presyo ng koryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM). Bumaba raw ito ng P0.0772 per kWh dahil halos wala raw power outage ang mga planta ng koryente. Dagdag pa rito ay ang mababang demand ng koryente sa Luzon. Marahil ay dulot ito ng malamig na panahon dahil sa patuloy na pag-ulan sa nakalipas ng ilang buwan. Ang share ng WESM na kabuuan na pangangailangan ng Meralco nitong buwan ay umabot ng 21%.
Ayan. Malinaw na ang anunsiyo ng Meralco ay pinabubulaanan ang mga paratang ng ilang militanteng grupo at consumer groups na sinisisi ang Meralco palagi sa mataas na singil sa koryente. Nakapagtataka lang kung bakit kahit na anong good news at pagpapaliwanag ng Meralco na ang generation cost ang ugat ng pagtaas at pagbaba ng singil sa koryente, pilit pa rin nilang inuugnay ay Meralco.
Ang singil ng Meralco sa distribution, supply, at metering charges ay hindi nagbago sa loob ng 38 months! Hindi sila kumikita sa mga ibang nakalagay sa mga dagdag singilin na nakikita natin sa likod ng ating Meralco bill tulad ng pass-through charges, generation at transmission charges. Dumadaan lang sa kanila ang mga nasabing charges at ito ay kinukuha sa kanila ng mga power supplier at NGCP na ta-gapamahala ng mga daluyan ng koryente mula sa mga power plant papunta sa Meralco. Ang iba pang nakasulat sa ating electric bill tulad ng mga buwis at ang FIT-All rate ay pumupunta sa ating gobyerno.
Kaya ano ang ipinuputok ng butse ng mga militante at mga consumer groups na tila kailan lamang umusbong na parang kabute? Ano ba talaga? Ano bang adyenda nila? Kasama ninyo ako kapag malinaw na malinaw na inaabuso tayo ng mga kompanyang ito. Ang ibig kong sabihin ay gusto ba natin na pulos brownout ang nararamdaman natin tulad ng nangyari noong panahon ni dating pangulong Cory Aquino? Mas nakatatakot kapag ang patuloy na paninira nila sa mga institusyon na nagbibigay ng magandang serbisyo sa koryente ay magsara dahil sa pagkakalat ng mali at paninirang impormasyon.
Baka naman bumalik tayo sa kadiliman at bumagsak ang ating ekonomiya. Huwag naman po.
Comments are closed.