KONTRA BIGAY PROGRAM

ILANG linggo na lang ay sasapit na ang 2023 barangay at Sangguniang Kabataang elections (BSKE).

May kanya-kanyang paandar o gimik ang mga kandidato.

Pero ngayon pa lamang, pinaghahandaan na ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang posibleng bilihan ng boto sa halalan sa Oktubre 30.

Sa katunayan, lumagda sa isang memorandum of agreement (MOA) ang Department of Justice (DOJ) at Commission on Elections (Comelec) para sa Kontra Bigay Program ng komisyon.

Kung hindi ako nagkakamali, sa pamamagitan nito’y makikipag-ugnayan ang Comelec sa DOJ at sa mga attached prosecution agencies nito para tugunan ang mga posibleng magaganap na paglabag na may kinalaman sa BSKE.

Sinasabing ang mga prosecutor ay nasa ground simula sa election period.

Ikakalat ang mga legal assistance desk para sa mga paglabag sa eleksiyon sa buong bansa.

Kung maaalala, noon pang Abril binuo ng Comelec ang Kontra Bigay Committee.

Ang komite ang naatasang makipag-ugnayan sa law enforcement agencies para tugunan ang vote-buying at vote -selling sa buong kapuluan.

May mga nakitaan na rin ng hinihinalang paglabag sa election laws.

Kaya hindi na bababa sa 2,000 indibidwal ang pinadalhan ng show-cause orders ng poll body dahil daw sa premature campaigning.

Binubuo ng iba’t ibang ahensiya ang ‘Kontra Bigay’ gaya ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Integrated Bar of the Philippines, National Bureau of Investigation, National Information Agency, Bangko Sentral ng Pilipinas, Anti-Money Laundering Council at Philippine Association of Law School.

Hindi na bago sa ating pandinig ang bilihan ng boto at iba pang eksena sa tuwing papalapit na ang eleksiyon.

Waring nakagawiang taktika na nga raw ng mga kandidato na magpaikot ng mga tauhan para mangalap ng boto kapalit ng salapi at iba pang bagay na pinamimigay nila.

Naku, maliwanag pa sa sikat ng araw na sa ilalim ng Omnibus Election Code ng bansa ay hindi pinahihintulutan ang kahit anong uri ng pamimigay, pag-aalok, at pangangako ng pera at iba pang uri ng serbisyo sa isang tao kapalit ng kanilang boto.

Nakasaad sa batas na maaaring patawan ng karampatang parusa ang sinumang tatanggap at magbibigay ng pera bilang kapalit ng boto sa eleksiyon.

Sa mga datos, tinatayang aabot sa 23.7% ang bilang ng Pilipinong walang trabaho noong unang hati ng 2021, o mahigit isa sa bawat limang Pilipino. Panahon o kasagsagan iyon ng pandemya.

Masasabing ang ganitong sitwasyon ang dahilan kung bakit talamak talaga ang vote-buying sa bansa.

Sa totoo lang, ubod nang lalim ang ugat na pinagmumulan ng bilihan ng boto.

Parang negosyo na nga raw ang turing ng maraming kandidato sa halalan, higit sa pagsasamantala sa mga botanteng gipit na gipit sa buhay.

Sabi nga, ang perang ginagamit sa vote-buying ay itinuturing na puhunan at kapag nanalo ay babawiin naman sa kaban ng bayan.

Sa Oktubre 19 hanggang Oktubre 28, 2023 pa ang opisyal na kampanya para sa BSKE.

Nawa’y magkaroon ng resulta ang Kontra Bigay Program ng pamahalaan.