(Kontra sa parcel scam) 2nd CUSTOMS COMMUNITY CARAVAN ISINAGAWA NG BOC

SAN JUAN CITY- ISINAGAWA ng Bureau of Customs (BOC) ang ikalawang “Customs Community Caravan: Awareness Campaign Against Parcel Scams” noong Nobyembre 25, sa San Juan City Hall.

Layunin ng inisyatibo na turuan ang publiko kung paano maiwasan ang parcel scams at iba pang cybercrime at bigyang-kapangyarihan ang mga komunidad na protektahan ang kanilang sarili mula sa ganitong uri ng panloloko.

Dumalo sa naturang aktibidad sina Commissioner Bienvenido Y. Rubio, Assistant Commissioner Atty. Vincent Philip C. Maronilla, San Juan City Mayor Francisco Javier “Francis” M. Zamora, Vice Mayor Atty. Jose Angelo Rafael “AAA” E. Agcaoili at iba pang mga opisyal mula sa BOC.

Kabilang din sa mga panauhin sina Atty. Harold S. Agama ng BOC – NAIA, Mark Dennis D. Derecho mula sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), Atty. Norberto V. Castillo ng DHL Express Philippines at mga local officials ng San Juan City.

Tinalakay sa caravan ang mga mahahalagang usapin ukol sa cybercrime kabilang na ang “love scam” modus sa pamumuno nina CICC representative Mr. Kirt Militante at BOC Public Information and Assistance Division Officer-in-Charge Karren April A. Noronio-Gabion.

Nagbahagi rin ng praktikal na kaalaman sina Atty. Castillo at Acting Sub-Port Collector Atty. Vincent James V. Fajardo mula sa BOC Central Mail Exchange Center tungkol sa proseso ng customs clearance para sa postal items at parcels na ipinapadala gamit ang DHL Express.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Mayor Zamora ang BOC sa kanilang aktibong pagtutok sa lokal na komunidad lalo na sa kampanya laban sa parcel scams.

Aniya, “Ito pong gagawin natin ngayon ay makakadagdag upang lalong maging maayos at mapayapa ang aming lungsod. Gamitin natin ang pagkakataon na ito para makinig, matuto at ang pinakamahalaga ay maipaalam natin sa ating mga mamamayan.”

RUBEN FUENTES