KONTRABADO NASABAT SA BBM INAUGURATION

SAMUT’ SARING kontrabando gaya ng patalim at kemikal ang nakumpiska ng Manila Police District (MPD) sa ilang sibilyan na humalo sa mga supporter ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ayon sa Civil Disturbance Management Unit ng Philippine National Police (PNP), ang mga kontrabando ay kanilang nakapkap sa mga indibidwal na nais saksihan ang panunumpa ni BBM.

Kanila na lamang pinakiusapan ang mga ito na i-surrender habang ang ilan hinayaan na mapanood sa LED screens ang nasabing okasyon.

Samantala, bago nagsimula ang okasyon ay may limang supporters ang dinala sa medic makaraang mahilo at tumaas ang presyon.

At isang abandonadong bag naman ang natagpuan din ng pulisya sa panulukan ng Kalaw at Roxas Boulevard subalit makaraang siyasatin ay nakumpirmang walang pampasabog.

Wala namang naitalang untoward incident sa nasabing okasyon habang maagang nagkasundo ang mga raliyista na mananatili lamang sa Plaza Miranda.

Hanggang alas-10 ng umaga kahapon ay nasa 500 raliyista ang naitala ng PNP sa nasabing freedom park. EUNICE CELARIO