KONTRABIDANG KASAYSAYAN 1

KUNG  binomba ang Vargas Museum sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman noong 18 Agosto 2023, malamang nagkaroon ng krisis sa sektor ng sining at kulturang Filipino.

Sa dami ng dumalong malalaking tao sa pagbubunsod ng librong Ang Wikang Pambansa at Amerikanisasyon: Isang Kasaysayan ng Pakikihamok ng Filipino para maging Wikang Pambansa ni Virgilio S. Almario, naubusan ng mauupuan.

Subalit walang nangawit kahit nakatindig.

Pinatulin kasi ang oras ng galing ng Prof. Galileo Zafra ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas na nagbigay ng lekturang nagpaunawa sa madla kung sino si Almario bilang bayani ng wika.

Nakalilibang niyang tinilad-tilad ang papel na ginampanan ni Almario sa kasaysayan ng Filipinas.
Kung baga, kaniyang nginuya, tinunaw, at kinatas mula sa mga aral niyang natutuhan kay Almario bilang administrador.

Halimbawa, nagawa niyang ibukod ang tatlong konseptong, sa ganang-kaniya, ay tumulong sa pagsulong ng wikang pambansa.

Una, Filipino sa Pambansang Kaisahan.

Inumpisahan niya sa kung paano pinangalagaan ni Almario ang wika at kulturang katutubo habang pinauunlad ang wikang pambansa mula noong siya ang direktor ng UP Sentro ng Wikang Filipino noong 1993 hanggang siya ay naging Punong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 2013. Lagi’t laging isinusulong niya ang importansiya ng estandardisasyon. Naging bunga nga nito ang Ortograpiyang Pambansa (OP) o “ang kodigo ng mga tuntunin hinggil sa anyo ng wika sa pagsulat at paglalathala.” Sinundan ito ng KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat na batay sa OP na naging patnubay ng mga guro, mag-aaral, at nagsusulat sa Filipino. Ito sana ang gabay ng editor sa mga peryodiko, magasin, journal, at iba pang publikasyon sa Filipino. Hindi lang sa media kundi sa social media makatutulong ang mga ito.

Ikalawa, Filipino sa Pambansang Kaunlaran.

Sa ilalim ni Almario, ang KWF ang nagpalawak ng saklaw ng wikang Filipino sa pamamagitan ng saliksik pangkultura at pagsasalin kaya nagkaroon ng Gawad Julian Cruz Balmaseda para sa pinakamahusay na tesis at disertasyon at Lekturang Norberto Romualdez para sa mga intelektuwal ng bansa upang itaas ang antas ng pagkilala sa saliksik sa mga larang. Isinulong din ang paghikayat sa paggamit ng wikang Pambansa sa samot-saring disiplina nang sa gayon mapayabong ang korpus ng mga materyal na makakaambag sa intelektuwalisasyon ng Filipino. Itinuloy ng KWF ang pagsasalin patungo sa wikang pambansa mula sa akdang banyaga at panitikang rehiyonal. Para paramihin ang mga salin at tagasalin, nagkaroon ng mga seminar-workshop para sa mga tagasalin at gurong gustong magturo ng mga ibang kurso gamit ang Filipino. Nakatulong din ang KWF sa Commission on Higher Education sa pagpapatupad ng General Education Curriculum.

Ikatlo, Filipino bilang wika ng karunungan.

Itinuloy ang programang gaya ng Aklatang Bayan na naglilimbag ng mga babasahin sa iba-ibang larangan at ang mga taunang proyektong tulad ng Kongreso ng Wika, Araw ni Balagtas, Buwan ng Wika, Kapihan sa Wika, Dangal ng Wika, Dangal ni Balagtas, Kampeon ng Wika, Gawad Ulirang Guro sa Filipino, at iba pang pagkilala.

Suma total, dahil kay Almario, mas organisado ang pagpaplanong pangwika.
Malinaw na naiugnay sa pag-aakda ng wikang pambansa ang pag-aakda ng bansa!