NOONG 2006, naglabas ang Anvil Publishing Inc. ng Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tula sa Filipinas na inedit ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario.
Nakabatay ito sa Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino (1981) ng Philippine Education Co. Inc..
Hinati niya ang panulaang Tagalog/Pilipino/Filipino sa tatlo: (a) ang panahon ng pag-iral ng Balagtasismo (1900-1932); (b) ang simulang daluyong ng Modernismo kontra Balagtasismo (1932-1963); at (c) ang ikalawang daluyong at pananaig ng Modernismo (1963 hanggang kasalukuyan).
Ang nasabing antolohiya, nilinaw niya, ay hindi lamang basta Tagalog at/o Filipino:
“Sinikap kong bigkisin sa loob ng aking balangkas pangkasaysayan at pananaw pampanitikan ang mga tula ng makabagong panahon na nakasulat sa mga wikang ginagamit sa Filipinas.”
At niliwanag niya ito sa pasakalyeng kaniyang pinamagatang Mahigit Sansiglo ng Amerikasyon at Nasyonalimo:
“KASALUNGAT NG MAKABANSA at konserbatibong Balagtasismo ang tunguhing tanggapin at pakinabangan ang mga kabaguhang idinudulot ng Amerikanisasyon.”
Patotoo lamang ito na ang problematisasyon ni Almario ay matagal na niyang proyekto.
Di ba ito rin ang dalumat ng Balagtasismo versus Modernismo: Panulaang Tagalog sa ika-20 Siglo?
Muling inilabas ito ng Komisyon ng Wikang Filipino noong 2016 pero noon pa mang 1984 nang unang inilimbag ito ng Ateneo de Manila University Press.
Matiyaga na niyang minamatiyagan ang Amerikanisasyon — mula sa panitikan hanggang sa panunuring pampanitikan sa Filipino.
Nagbabala na siya laban “sa pagmamasid ng mga lugar sa panitikan at kasaysayan na nakapangibaba ang dayuhang kultura o sa mga lugar na matagumpay na nahalinhan ng dayuhang kultura ang katutubo’t tradisyonal.”
Sapagkat walang pakialam ito sa “reaksiyon ng katutubong kultura sa bawat pakikipag-engkuwentro sa dayuhang kultura.”
Dahil balewala rito “ang mga lugar ng pamamayani ng katutubo’t tradisyonal sa kabila ng isang dominanteng dayuhang impluwensiya.”
Kasi “nasisiyasat ang mga lugar na nagtutugma ang katutubo’t dayuhang kultura.”
Tagapagpahiwatig nga ng pagpasok, este panghihimasok, na ito.
Kapansin-pansin ito sa paglusot o pagpuslit ng banyagang salita sa ating bokabularyo.
Espanyol nga sa umpisa at, kinalaunan, iba pang wikang “galing sa labas” ngunit dahil pinapasok mismo sa kanilang diksiyonaryo kaya tinanggap na rin natin bilang wikang “Ingles.”
Umaakma ang katangiang wala sa Latin — ang dating lingua franca ng daigdig — na pagkuwa’y namatay.
Kung tutuusin, may ganito rin ang ugali ng wikang “Filipino.”
Ang pagiging bukas nito — hindi lamang sa mga salitang dayo o dayuhan kundi sa mga salitang jeproks, jologs, jejemon, bekimon, at iba pang salitang likha — ang siyang magpapahaba sa buhay nito.
Nasa Jollibee ang ating halimbawa: Alemang hamburger, Amerikanong coke, o Pranses na fries at spaghetti ay lahat Filipino.
Kailangan ng isang taliwas na tingin o titig sa pag-uswag ng Filipino bilang Wikang Pambansa at bilang tao!
Sinisipat nito ang mga dokumento mula sa puntodebista nating mga Filipino.
Nilalanghap nito ang “panunumbalik na hustisya.”
Tinitikman nito ang alternatibong pananaw.
Dinarama nito ang ating boses bilang biktima.
Dinidinig o pinakikinggan nito ang patriyotikong panig.
Alam nating alam ni Almario na kailangan natin ng kontrabidang kasaysayan.
Kaya, kailangan natin ang Ang Wikang Pambansa at Amerikanisasyon: Isang Kasaysayan ng
Pakikihamok ng Filipino para maging Wikang Pambansa.