KONTRATA NG HOUSE KEEPING AT PEST CONTROL SERVICES SA NAIA REREPASUHIN

UMAPELA  ang Manila Internagtional Airport Authority (MIAA) sa mga establisimyento partikular na ang mga nagtitinda ng pagkain sa Ninoy Aquino International Aiport (NAIA) na panatilihin ang kalinisan ng kanilang mga puwesto.

Ito ang panawagan ni MIAA General Manager Eric Ines matapos ang kaliwa’t kanang batikos dahil sa reklamo ng isang pasahero na kinagat ng surot, kasunod ang naglipanang ipis at daga na nag-viral sa social media.

Ayon kay Ines, may malaking problema ang house keeping at pest control providers sa NAIA dahil tila hindi nagampanan ang kanilang mga tungkulin para mapanatili ang kanilinisan sa apat na terminal ng bansa.

Ipinag-utos nito sa kanyang mga tauhan na magsagawa ng imbestigasyon at repasuhin ang kontrata ng house maintenance services na kinabibilangan ng CBII Philippines International Inc., Front Runners Property Maintenance General Services Corp., Dear John Services Inc. at EMU Cleaning Services.

At ipinasisilip din ni Ines ang kontrata ng Pest Control Services Pest Control services, ng Mapecon, Blow Pest Control Sevices, ENTOM Pest Control and General Services Corp. at Jopare Pest Control System.

Batay sa impormasyon, ang Mapecom ang may hawak sa pest control services sa NAIA terminal1, Blow Pest Control sa terminal 2, ENTOM Pest Control and General Services Corp. sa terminal 3 at Jopare Pest Control System sa terminal 4. FROILAN MORALLOS