KONTRATA NG MGA LOPEZ KAY RAZON, TILA DEHADO ANG MGA KONSYUMER

NALANTAD na sa publiko ang mas mataas na presyo ng koryente na dulot ng bagong kontratang pinasok ng mga planta ng Lopez sa grupo ni Enrique Razon.

Ayon kasi mismo sa kanila, mayroon nang bagong Gas Sale and Purchase Agreement (GSPA) para sa natitirang gas mula sa Malampaya.

Pero lumabas sa singil nila sa Meralco ngayong Pebrero na mas mataas pa ito kaysa dati. Ayon sa Meralco, may 12% na dagdag sa presyo ng Malampaya gas sa ilalim ng bagong GSPA ng Sta. Rita sa consortium ng Malampaya na pinangungunahan ng Prime Energy. Samantalang halos 2% naman ang itinaas ng presyo ng Malampaya gas ng San Lorenzo sa ilalim ng lumen GSPA. Parehong suplay pero magkaiba ang naging presyo.

Tila gusto yata talagang gatasan ang mga konsyumer na dapat sana ay nakikinabang na sa Malampaya gas, na nag-iisang indigenous na pagkukunan ng natural gas dito sa Pilipinas.

Eh, bakit wala pa ring pahayag ang ERC at DOE tungkol dito? Hindi ba’t obligasyon nilang alamin ang puno at dulo ng pagtaas ng presyo ng Malampaya gas.

Isa pa, bahagi rin ang pamahalaan sa pamamagitan ng PNOC Exploration Corporation sa Malampaya consortium na makikinabang sa tubong ito sa ilalim ng bagong GSPA.

Teka, kailangan yatang tingnan ang performance ng mga ilang tao ni BBM sa ERC na natutulog yata sa pansitan. Hoy, gising!!!