Kontrobersyal na FAMAS trophy ni Niño Muhlach nasa museum ni Boss Toyo

IPINALIWANAG  ni Niño Muhlach na ibinenta niya ng kalahating milyong piso ang isa niyang Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) trophy kay kay Boss Toyo ng Pinoy Pawn Star dahil maganda ang kalalagyan nito.

Hindi raw siya naghihirap at lalong hindi siya kinakapos sa pera dahil mahusay sa negosyo ang kanyang amang si Alex Muhlach na namana naman niya.

Wala daw talaga sa isip niyang magbenta ng trophy, pero si Boss Toyo ang nag-alok na bilhin ito dahil gusto raw ni Boss Toyo na may Best Child Actor trophy sa kanyang museum. Sabi umano nito sa kanya, si Niño lamang ang naisip niya sa kategoryang ito dahil siya nga ang tinaguriang Child Wonder ng Pelikulang Filipino.

Lima umano ang awards ni Niño sa FAMAS at tingin niya ay napapabayaan lamang ito sa cabinet. Pinag-isipan raw niya itong Mabuti, at naisip niyang kung ibebenta niya ito kay Boss Toyo, mas maaalagaan ito at maa-appreciate pa ng maraming tao.

Pero bago umano niya ibinenta ay nagkaroon muna sila ng kasunduang hindi niya ito puwedeng ibenta sa iba at sa halip ay ilalagay ito sa gagawin niyang museum. Kailangan din umanong i-restore ito para magmukhang bago at idi-display nga sa museum.

Matatandaang binansagang “Child Wonder” si Niño noong Dekada 70 at hangga ngayon ay walang nakakatapat sa kasikatang iyon.

May dalawang anak si Niño, si Sparkle actor Sandro sa ex-wife na si Edith Millare, at si Alonzo sa asawa ngayon na si Diane Tupaz.RLVN