KONTROLADO RAW ANG INFLATION

Magkape Muna Tayo Ulit

PALAGING  naririnig natin ang salitang ‘inflation’ kapag ang pinag-uusapan ay ang mga pagtaas ng presyo ng mga pamilihang produkto o pagtaas ng palitan ng piso sa dolyar. Marami ang sinisisi ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law kung saan nakikita natin ang pagtaas ng pataw ng buwis sa mga piling produkto. Hangad nito na makalikom ng ka­ragdagang salapi upang matustusan ang mga Build, build, build program ng administrasyon ni Duterte tulad  ng karagdagang mga imprastraktura sa transportasyon at komunikasyon.

Para sa mga economic adviser ni Duterte, ang TRAIN law ay ang susi upang mai­tulak pataas ang ating ekonomiya at makahikayat ng mga foreign investor sa bansa. Nais ng pamahalaan ni Duterte na itapat tayo sa mga asensadong mga bansa sa Southeast Asia tulad ng Thailand, Malaysia at Singapore.

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, isa sa mga pinagkakatiwalaan ni Pangulong Duterte sa kanyang gabinete, sinisiguro niya sa publiko na ang pamahalaan natin ay kontrolado ang inflation.

Ang pangkalahatang pagtaas ng presyo sa mga pangunahing produkto, bagama’t tumaas ng 4.6% nitong buwan ng Mayo, ay nasa saklaw pa rin ng kanilang inaasahang pagtaas ng inflation. Sabi ni Dominguez na sa takbo ng panahon ay aayos sa pagkanormal ang kakayahan ng paggastos ng ordinaryong mamamayan sa kanilang kinikita at ginhawa ng buhay.

Dagdag pa ni Dominguez na ang inflation rate noong unang apat na buwan nitong taon ay hindi masyadong  tumaas sa inaasahan na itataas ng Bangko Sentral. Ito raw ay unti-unting tatatag at nakikita nila na bababa ang inflation rate sa 2019 ng mga 3.5%. Mas mababa ito kumpara sa naitalang 4.6% ngayong buwan.

Pinapanatag ni Dominguez ang sambayanan matapos na maglabas ng survey ang Social Weather Station (SWS) noong nakaraang buwan na hindi masaya o kontento ang publiko sa pangangasiwa tungkol sa inflation mula 18%, bumagsak ito ng 6%. Ang Pulse Asia naman ay naglabas din ng resulta sa kanilang survey noong Abril na ang sahod at pagtaas ng mga bilihin ay isa sa pinakamataas na mahalagang isyu para sa mga Filipino.

Paliwanag pa ni Dominguez na ang inflation ay maaaring senyales ng lumala­gong ekonomiya natin. Nagbigay siya ng ha­limbawa na ang mga ibang bansa raw ay sadyang itinataas ang kanilang inflation rate sa hangad na umakyat ang kanilang ekonomiya.

Siguro ay pagbigyan muna natin ang grupo ni Sec. Dominguez na gawin nila ang kanilang plano sa TRAIN Law para sa kanilang Build, Build, Build program. May apat na taon pa sila bago matapos ang termino ni Duterte. Sa totoo lang, ilang dekada na tayong naghihirap. Ano ba naman na magtiis pa tayo ng kaunting hirap ng isa o dalawang taon kung totoo o tama ang plano ng mga economic adviser ni Duterte.

Ang kaduluduluhan nito ay may panahon tayo na palitan ang mga namumuno sa atin pagsapit ng 2022.

Ang punto ko lamang ay ibigay natin sa administrasyon na ito  ang pagkakataon na ayusin ang ating bayan. Nakikita naman natin na seryoso si Duterte sa kampanya niya laban sa korupsiyon, krimen at ilegal na droga. Ang sabay na pag-ayos ng ating ekonomiya na pangunahing kampanya ni Duterte ang magandang kombinasyon ng maayos na bansa. Ganito ang nangyari sa Singapore. Sana ay pamarisan natin sila.

Gugunitain ko bukas (June 24) ang ika-86 na kaarawan ng a­king yumaong ina na si Amy Dela Cruz Sison.

Comments are closed.