KINUMPIRMA kahapon ng Kamara na babawiin nila ang advanced copy ng inaprubahang panukalang 2019 budget na isinumite sa Malacañang.
Sa pagbawing ito, ayon kay San Juan Rep. Ronaldo Zamora, hindi naman nangangahulugan na yumuko sila sa kagustuhan ng Senado dahil kukunin lamang nila ang kanilang ibinigay.
Ito umano ay pagpapakita ng kanilang good faith sa Senado upang maipagpatuloy na talakayin ang inaprubahang budget.
Iginiit ni Zamora na hindi pa matatawag na enrolled bill ang kopya na nasa Malacañang dahil hindi pa naman ito nalalagdaan ng Senate President.
Sinabi rin nito na ang ekonomiya ng bansa ang lubhang apektado sa nangyayaring stand-off ng Kamara at Senado tungkol sa 2019 budget dahil base sa projections na ibinigay sa kanila ay babagal ang takbo ng ekonomiya ng 4% na pinakamababa sa loob ng 20 taon.
Si Zamora ay itinalaga para maging negosyador sa Senado at Kamara upang maayos ang magkakasalungat na posisyon ng da-lawang kapulungan.
Gayunman, nanindigan si Speaker Gloria Mapacagal-Arroyo na mayroong legal na basehan at naaayon sa Saligang Batas ang ginawang pagratipika ng Kamara de Representantes sa panukalang 2019 national budget.
Giit pa ng former lady chief executive at ngayo’y Pampanga solon, hindi hahayaan ng mga kongresista na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang isang appropriation measure na ‘unconstitutional’.
Binigyan-diin naman ng lider ng Kamara na hindi sila sasang-ayon sa nais na mangyari ng Senado na magkaroon ng lump sum allocation sa national budget dahil salungat ito sa naging desisyon ng Korte Suprema.
Nitong Linggo ay kinausap ni Zamora si Senador Panfilo Lacson at ipinaalam nito ang desisyon ng Kamara sa usapin ng pambansang pondo.
“Yesterday I received a call from Rep. Zamora. He said he was commissioned by the House to negotiate with the Senate coun-terpart. Sabi ko there is no way except for House to recall your version of the enrolled bill,” wika ni Lacson matapos ang ground-breaking ceremony ng bagong Senate building sa Taguig City.
“Yesterday he gave me a call na mayroon nang permiso o approval ang House leadership na ire-recall nila today their version of the enrolled bill. From there we will move forward,” sabi pa ni Lacson.
Matatandaang kinuwestiyon ng senador ang pag-itemize na ginawa ng mga kongresista sa lump-sum funds na nakapaloob sa panu-kalang P3.7-trillion national budget ng 2019. ROMER BUTUYAN, VICKY CERVALES
Comments are closed.