CAMP CRAME – INAMIN ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Oscar Albayalde na naging kultura na sa kanilang hanay ang pagiging tiwali.
Ito ay kasunod ng pagdakip sa isang mataas na opisyal na ang modus operandi ay nangungursunada ng mga sasakyang kanilang nadakip sa buy bust operation.
Aniya, hindi nito malaman kung ano pa ang gusto ng iba at tila walang takot kahit na itinatag ang Counter Intelligence Task Force at pagkasibak ng 520 pulis at pagkamatay ng pitong kabaro sa operasyon.
Dagdag pa ni Albayalde, bagaman epektibo ang kanilang internal cleansing sa kanilang hanay ay mahirap pa ring maging 100% na matino ang kanilang buong hanay at hindi matutukso na gumawa ng illegal.
“Kahit siguro mag-retire na ako, may mahuhuli pa ring tiwali,” ayon pa kay Albayalde.
Naungkat ang mga nagkasalang pulis sa regular Monday press conference kahapon sa Camp Crame kasunod ng pag-aresto kay Supt. Jowen dela Cruz, hepe ng Bocaue PNP.
Nag-ugat ang pagdakip kay Dela Cruz nang ireklamo ito ng kapatid na naaresto sa buy bust operation sa Bulacan kung saan kasamang inihimpil sa police station ang sports utility vehicle nito kung saan nang kukuhanin na ng pamilya ay ayaw i-release ng nasabing police official kung hindi papalitan ng cellphone na kilalang brand.
Nagreklamo sa CITF ang kapatid ng nadakip na suspek at nagsagawa ng entrapment operation ang Bulacan provincial police katuwang ang Highway Patrol Group, PNP-Intelligence Group ang Police Regional Office-3 kaya nadakip si Dela Cruz habang narekober ang SUV at natuklasan din na mayroong hindi bababa na limang sasakyan na nakahimpil sa nasabing istasyon na wala naman sa inventory sa kanilang buy bust. EUNICE C.
Comments are closed.