HINDI na maglalaro ang South Korea sa darating na window ng FIBA World Cup Asian qualifiers dahil sa COVID-19 situation sa kanilang koponan.
Iniulat ng South Korean media noong Lunes na umatras na ang national team sa February window dahil sa COVID-19 cases.
Sa report ng Jumpball, isang miyembro ng 13-man pool ang nagpositibo sa COVID-19 bago ang kanilang pag-alis patungong Pilipinas, na magho-host sa nalalapit na window.
Ang player na nagpositibo ay kasama ng national team na nagsanay at sumabak sa isang practice game kontra Korea University nitong Lunes, Pebrero 21.
“The Basketball Association decided not to send the national team to the Philippines, because there is a risk of infection to the rest of the players,” ayon sa report ng Jumpball.
Ang South Korea ay nakatakdang sumalang sa apat na laro sa window na gaganapin sa Araneta Coliseum sa Quezon City — dalawa kontra Philippines sa Peb. 24 at 28, laban sa New Zealand sa Peb. 25, at kontra India sa Linggo.
Ang national team ay nakatakda sanang umalis sa South Korea Martes ng gabi.