MAY isa na namang opsyon ang Pinoy cagers para ipakita ang kanilang talento sa ibang bansa makaraang aprubahan ng Korean Basketball League (KBL) ang expansion ng Asian Players Quota nito noong Lunes.
Ayon sa report ng Korean news outlet Jumpball, maaari nang kunin ng 10 KBL teams ang serbisyo ng Filipino players para sa minimum na isang taon at maximum na limang taon sa 2022-2023 season.
Ang Filipino players ay hindi bibilangin laban sa two-import quota ng mga koponan, basta mayroon silang Filipino parents at hindi naturalized player.
Ang Asian Players Quota ng KBL ay dating limitado sa Japanese cagers.
Ang Philippine Basketball Association (PBA) at KBL ay nag-uusap para sa posibleng collaboration noon pang Enero.
Ilang Filipino players na ang nagpakitang-gilas sa ibang bansa sa mga nakalipas na taon, kabilang ang magkapatid na Thirdy at Kiefer Ravena, Dwight Ramos, Kobe Paras, at Bobby Ray Parks sa Japan, Kai Sotto sa Australia, at Jordan Heading at Jason Brickman sa Taiwan.