HINDI nakalusot sa mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean fugitive na wanted sa nasabing bansa bunsod sa pagkakasangkot nito sa illegal online gambling.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang suspek na si Choi Sungsun 33-anyos na naaresto nang pinagsanib na operatiba ng Bureau’s Fugitive Search Unit (FSU) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa bahay nito sa San Juan City noong Martes.
Ayon kay Morente, nahuli si Choi sa tulong ng South Korean authorities na siyang nagbigay-alam sa kinaroroonan nito sa Filipinas.
Nabatid ni BI FSU Chief Bobby Raquepo na si Choi ay mayroon Interpol red notice na inisyu noong Agosto 11, dalawang buwan matapos mag-isyu ng warrant of Arrest ang Busan, South Korea District court.
Ayon sa report, si Choi ay mayroon nakabinbin na fraud case sa Korean court dahil sa pag-ooperate ng illegal gambling sa pamamagitan ng internet at nakapag-solicit ng malaking halaga mula sa kanyang mga customer.
Nabatid pa mula sa South Korean authorities na nag-set up si Choi nang unauthorized private online gambling sites sa Filipinas.
Si Choi ay kasalukuyang nasa kostudiya ng CIDG habang inaantay ang resulta sa COVID-19 swab test.
Agad naman ito pababalikin sa South Korea upang kaharapin ang kasong kinasasangkutan nito. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.