LUMAGDA si San Jose del Monte Bulacan Representative Florida “Rida” Robes ng kasunduan o memorandum of agreement (MOA) sa Korean non-government organization (NGO) Sunfull Foundation Internet Peace Movement upang labanan ang cyberbullying.
Sa panayam ng PILIPINO Mirror kay Robes, sinabi nito na dahil bahagi na ng pamumuhay ng tao, maging empleyado at mag-aaral ang internet at social media kaya’t nagiging lantad ang mga ito sa cyberbullying.
Natuon ang pansin ni Robes sa mga kabataan na biktima ng cyber bullying at bilang mambabatas ay nararapat na kumilos siya upang mapigilan ang bullying na makaaapekto sa mental health ng kabataan.
“Some of us experienced cyber bullying , one of the negative effects of being online and it needs to be corrected,” ani Robes.
Inihalimbawa nito, ang mapanganib at sumikat na net game na Momo challenge na umano’y buhay ang itinataya na kapag natalo ay dapat magpakamatay.
Dahil dito, umapela ang congresswoman sa mga magulang at Department of Education (DepEd) na magabayan ng mga guro ang kanilang mga estudyante upang hindi mabiktima ng cyberbullying.
Kamakailan, itinalaga ng Sunfull Internet Peace Movement si Robes bilang ambassador ng foundation.
Mismong si Korean Ambassador to the Philippines H.E. Han Dong Man ang nag-endorso ng nasabing NGO sa Filipinas upang makatuwang ng bansa na labanan ang cyberbullying.
“I will work harder to come up “with actionable strategies that will pave the way for more constructive and nurturing experiences online among Filipinos,” giit ni Robes. EC