PATAY ang isang Koreano matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Dead on arrival sa San Juan De Dios Hospital sanhi ng tama ng bala sa kanyang likuran ang biktima na nakilalang si Lee Sung Hoon, 45-anyos, residente ng Unit 808 Sunset View Building, Roxas Boulevard, Pasay City.
Base sa isang sketchy report na natanggap ni Pasay City police chief Col. Byron Tabernilla, naganap ang insidente dakong alas-4:23 ng umaga sa harap ng No. 2302 Lacson Residence Building sa Service Road, Roxas Blvd., Brgy. 13, Pasay City.
Ayon kay Tabernila, habang naka-duty ang saksi na si security guard Jeffrey Tendero y Lagrimas ng Lacson Residence ay nakarinig ito ng isang putok ng baril at nang puntahan ang pinanggalingan ng putok ay kanyang nadiskubre ang biktima na duguang nakahiga sa sahig.
Makalipas ang ilang minuto ay dumating naman ang mga security personnel ng Department of Foreign Affairs (DFA) na siya namang tumawag sa Pasay police Sub-Station 1 para humingi ng police assistance.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Sub Station 1 kabilang ang mga miyembro ng IDMS Pasay CPS sa lugar nang pinangyarihan na nagdala sa biktima sa ospital ngunit hindi na ito umabot pa ng buhay sanhi ng tama ng bala sa kanyang likuran.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang kaso para matukoy ang may kagagawan ng krimen.MARIVIC FERNANDEZ