CAVITE- BUMAGSAK sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean national na wanted sa Korea bunsod sa pagkakasangkot sa electronic financial fraud.
Ayon sa report, kinilala ang suspek na si Je Hyun Woo, 52-anyos na naaresto nitong Miyerkules ng mga kawani ng immigration Fugitive Search Unit (FSU) sa General Trias, Cavite.
Batay sa impormasyon, nakatakdang pabalikin si Je sa South Korea upang kaharapin at pagdusahan ang kasong kanyang kinasasangkutan.
Bukod sa deportation, kasabay na isinama ang kanyang pangalan sa listahan ng immigration blacklist upang hindi na muling makabalik sa Pilipinas.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng BI, si Je ay mayroon outstanding Warrant of Arrest na inisyu ng Seoul District Court noong Nobyembre 1, 2018, kung saan naka-docket ang kanyang kasong pandarambong.
At nakarating din sa kalaman ng Immigration na si Je ay miyembro ng isang sindikato na nakakulimbat ng milyong- milyon Won mula sa mga biktima.
Si Je ay pansamantalang nakakulong sa BI Warden Facility sa Camp bagong Diwa sa Taguig City habang inaantay ang deportation order ng BI Board of Commissioners. FROILAN MORALLOS