NAARESTO ng tauhan ng Bureau of Immigration Officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang Koreano na wanted sa kanilang lugar dahil sa mga kasong kinasasangkutan ng mga ito.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime H. Morente, ang dalawang pugante na sina Hong Chan Woo, 24-anyos, at Jun Juman, 36-anyos.
Nakarating kay Morente na ang pangalan nitong dalawang suspek ay nasa wanted list ng Interpol, at nahuli ang mga ito noong Agosto 19 at 20 sa departure area ng NAIA Terminal 3 habang pasakay sa kanilang mga flight.
Nahuli ang mga suspek makaraang mag-appear ang kanilang mga pangalan sa registered hits ng interpol, na isang palatandaan na mayroong mga criminal records ang mga ito.
Ayon kay Atty. Rommel Tacorda, hepe ng Border Control at Intelligence Unit (BCIU) ng Bureau of immigration, naaresto sina Hong at Juman habang pasakay sa kani-kanilang mga flight papuntang Jakarta, habang si Juman ay papuntang Hanoi.
Pahayag pa nito na si Hong ay wanted sa Seoul dahil sa pagpalsipika ng isang pribadong dokumento, at mayroong nakabinbin na warrant of Arrest na inisyu ng Korean court noon pang Agosto 7.
Dagdag pa ni Tacorda, si Juman ay wanted sa kanilang lugar dahil sa paglabag sa Korea’s gaming industry promotion act, kung saan pumasok ito sa online gaming activities sa pakikipagsabwatan sa iba niyang ksamahan.
Nagkamal itong si Juman ng tinatayang aabot sa 100 million Won mula sa kanyang mga kliyente sa pamamagitan ng kanyang ilegal online gaming activities.
Ang dalawa ay pansamantalang nakakulong sa BI detention center sa Taguig City habang naka-pending ang kanilang deportation order. FROI MORALLOS/PAUL ROLDAN
Comments are closed.