NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa kanilang tanggapan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang South Korean national na wanted sa awtoridad sa Seoul bunsod ng pagkakasangkot sa illegal gambling.
Sa report kay Immigration Commissioner Jaime Morente ni BI port operations chief Atty. Carlos Capulong, kinilala ang pasahero na si Lee Taeyang, 31-anyos na tinangkang lumabas ng bansa sakay ng Philippine Airlines patungong Phnom Penh, Cambodia.
Sinabi ni Capulong na hinarang ang nasabing pasahero dahil may warrant of arrest ito na insiyu ng korte sa South Korean at may red notice mula sa Interpol.
Nabatid na pinigil siya na makaalis matapos na nakita ng mga immigration officer na may “hit” ang kanyang pangalan sa BI-Interpol’s derogatory system.
Nakalagay sa ‘hit” na ang kanyang pasaporte at kinansela ng South Korean government sa estado wanted dahil sa pakikisabwatan nito sa iba pang suspek sa pagtatayo ng gambling sites sa internet.
Ang site ay ginawa sa pagitan noong Disyembre 2018 hanggang Enero 2019, upang makataya ang mga manlalaro sa resulta ng iba’t-ibang foreign at domestic sports competitions tulad ng soccer, volleyball at baseball.
Ang mga mananaya ay sinabihan na ideposito ang kanilang pera sa bank account ng sindikato kung saan kumita sila ng mahigit 4 billion won o US$33.6 million.
Isang warrant of arrest ang inisyu ng Cheonglu district court noong Disyembre 17, 2020 sa suspek matapos na kasuhan ng paglabag sa national sports promotion act. PAUL ROLDAN