KORONA ITATAYA NG UST, NU

UAAP BEACH VOLLEYBALL

NAKATUON ang lahat kay Sisi Rondina sa pagtatangka ng University of Santo Tomas na makopo ang ikatlong sunod na women’s championship, habang target ng  National University ang back-to-back men’s title sa UAAP Season 81 beach volleyball tournament na papalo ngayong araw sa Sands SM By The Bay.

Ang Tigresses ang pinakamatagumpay na koponan sa sport na may limang korona, tatlo sa mga ito ay napanalunan ni Rondina sa iba’t ibang katambal.

Sa kanyang final collegiate season sa sand court,  makaka-partner ni Rondina si  Babylove Barbon sa pagsisimula ng kampanya ng UST laban sa University of the Philippines sa alas-10:40 ng umaga.

Ang pinakamata­gum­pay na men’s squad sa kasalukuyan na may apat na titulo, ang Bulldogs ay muling sasandal sa battle-tested pair nina Bryan Bagunas at James Natividad.

Ang NU ay may dalawang nakatakdang laro sa title-retention campaign  nito laban sa Far Eastern University sa alas-8 ng umaga at Adamson University sa ala-1:20 ng hapon.

Si Rondina, kinatawan ang Filipinas sa FIVB Beach World Tour Manila Open noong nakaraang summer, ay nagwagi na rin ng tatlong MVP awards kung saan ang Compostela, Cebu native ay umaasang matutuldukan ang kanyang stint para sa Tigresses na winner.

Ang Rondina-Barbon partnership ay naging matagumpay noong off-season, kung saan nagwagi sila sa Beach Volleyball Republic leg noong nakaraang buwan, dahilan para maging UAAP favorites.