Kahit patay na, si Dolphy pa rin ang kinikilalang “Hari ng Komedya sa Pilipinas.” Kilala siya sa pagpapatawa hindi lamang sa radio at TV kundi maging sa pelikula.
Isinilang siya noong July 25, 1928 at namatay noong July 10, 2012 kaakibat ang makulay na dula ng kanyang buhay at ang mga babaing naugnay sa kanya sa larangan ng pag-ibig, pati na ang mga anak na kaylan man ay hindi niya itinago.
Rodolfo Vera Quizon ang tunay niyang pangalan na isinilang at lumaki sa P. Herrera St., Tondo, Manila. Original na Tondo Boy. Aakalain mo bang ang simpleng patpating lalaki ay magiging Hari ng Komedya sa Pilipinas at tatagal sa industriya ng mahigit 70 taon na hindi nalalaos?
Anak nina Melencio Espinosa Quizon na trabahador sa ship engine at Salud de la Rosa Vera na isang mananahi at guro, may apat pa siyang kapatid na lalaki at limang kapatid na babae. Nag-elementarya siya sa Magat Salamat Elementary School at Isabelo de Los Reyes Elementary School. Sa High School naman, nag-aral siya sa Florentino Torres High School pero hanggang second year lamang dahil nagtrabaho na siya para makatulong sa pamilya. Nagtinda siya ng buto ng pakwan sa mga sinehan para makapanood ng sine ng libre.
Nang pumutok ang World War II, 13 years old na siya. Nagtrabaho naman siyang tagalinis ng sapatos, tagalilip at tagakabit ng botones sa isang pants factory. Nagtrabaho rin siyang tagalinis ng bote, istibador sa piyer, trading, at driver ng kalesa. Kapag may free time, nanonood siya ng stage show sa Life Theater at Avenue Theater. Paborito niya sina Pugo at Togo at ang mga dancers na sina Benny Mack at Bayani Casimiro.
Nagsimulang umarte si Dolphy sa stage noong panahon ng Hapon, edad 17. Kinuha siya ni Benny Mack na chorus dancer sa Avenue Theater at pagkatapos ay sa Lyric Theater. Nagtanghal din siya sa Orient Theater sa stage name na Golay.
Sa pelikula, nasabak naman siya sa edad na 19 kasama si Fernando Poe Sr., ama ng Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. sa pelikulang Dugo at Bayan (I Remember Bataan), bilang Rodolfo Quizon sa billing. Hindi niya inakalang ang ama ng kanyang best friend na hindi pa niya nakikilala noon ang magbibigay sa kanya ng pagkakataon sa pelikula. Limang piso raw ang tinanggap niyang talent fee sa nasabing pelikula.
Nagtrabaho si Dolphy sa radio sa Conde Ubaldo, noong 1940s bilang radio writer, director, at producer. Sumama siya sa programang Wag Naman, na bida sina Pancho Magalona, Tessie Quintana, at Baby Jane. Sa Conde Ubaldo rin nagsumula ang comedy duo nil ani Panchito.
Si Pancho Magalona ang narekomenda kay Dolphy kay Dr. Jose “Doc” Perez, may-ari ng Sampaguita Pictures, noong 1952. Ang una niyang pelikula ay Sa Isang Sulyap Mo, Tita, kasama sina Pancho Magalona at Tita Duran. Sa Sampaguita rin sumikat ang tandem na Dolphy at Panchito sa pagpapatawa.
Noong 1954, gumanap si Dolphy sa comic book adaptation ng Jack en Jill kasama sina Rogelio de la Rosa at Lolita Rodriguez. Dito siya naging establisadong actor, kung saan gumanap siyang bading noong panahong nilalait pa ang ikatlong lahi. Si Barbara Perez ang kasama ni Dolphy sa una niyang drama. Nang matapos ang kontrata niya sa Sampaguita, lumipat siya sa iba.
Noong 1962, ginawa ni Dolphy ang Tansan The Mighty at ang sequel Tansan vs Tarzan noong 1963. Mula 1964 hanggang 1972, naging bida siya sa Buhay Artista, kaya kinuha siya ni Eugenio “Geny” Lopez Jr. sa Channel 2. Konsepto ito nina Geny Lopez at Ading Fernando. Noong nasa Sampaguita pa siya, ang bayad ay P1000-5000 per picture. Sa radio, ang talent fee ay P250-P300 per program; sa TV, P500 per show. Umalis siya ABS-CBN dahil sa martial law at lumipat sa GMA Network dahil lumipat ang Buhay Artista sa RBS-7 (dating pangalan ng GMA) mula December 1972 hanggang 1974.
Dito na siya nagsimulang gumawa ng pelikula sa LEA Productions, Balatbat Productions, Filipinas Productions, Zultana Productions at D’Lanor Productions na dating pag-aari ni Fernando Poe Jr.
Noong 1964, nagbida siya sa Captain Barbell at Daigdig ng Fantasia kasama si Nova Villa, sa direksyon ni Herminio “Butch” Bautista, na ama naman ni Herbert ‘Bistek’ Bautista. Mula 1965 hanggang 1966, Nakagawa si Dolphy ng hindi bababa sa 15 spy film parodies, at sa taong 1966, Nakagawa siya ng 19 parody films.
Sa pelikulang Pepe en Pilar, ipinakilala ni Dolphy si Ronaldo Valdez kay Susan Roces, dahil kailangan ni Susan ng bagong kapareha. Hindi siya nagustuhan ni Susan dahil masyado raw bata kaya pinagupitan siya ni Dolphy, binilhan ng boots sa Glenmore, pinahiram ng damit, at dinala uli kay Susan. Nagustuhan na siya ni Susan – ang hindi niya alam, yun din ang una niyang ipinakilala. Si Dolphy rin ang nagbigay sa kanya ng pangalang Ronaldo Valdez mula sa tunay niyang pangalang Ronald James Gibbs.
Noong 1967, itinayo ni Dolphy ang RVQ Productions dahil nagsara na ang Sampaguita. Una niyang isinapelikula ang Buhay Artista na naging box office success. Noong 1969, sobrang naging hit ang Facifica Falayfay, na siya ang baklang lead character, na directed by Luciano “Chaning” Carlos, na nagdirehe sa kanya ng 23 pelikula. Same year, nagbida uli siya sa Adolphong Hitler.
Nagsimula ang John en Marsha noong 1971, isang taon bago ang Martial Law, sa RPN Channel 9. Sinulat ito ni Ading Fernando. Asawa niya dito si Nida Blanca, biyenan si Dely Atay-Atayan bilang Doña Delilah, at anak naman sina Rolly Quizon at Maricel Soriano. Hindi pwedeng kalimutan si Matutina, by the way.
Noong 1973, inilabas ang Fefita Fofongay viuda de Falayfay na sequel sa Facifica Falayfay. Same year, inilabas din ni Dolphy ang Captain Barbell Boom! na sequel sa Captain Barbell. Noong 1974, inilabas naman ang Sarhento Fofongay: A … ewan! At noong 1978, back to gay roles sa pelikulang Ang Tatay Kong Nanay, sa direksyon ni Lino Brocka, kasama sina Niño Muhlach at Phillip Salvador, kung saan naging best actor si Dolphy.
Noong 1979, ginawa ni Dolphy ang Dancing Master at Darna… Kuno? Sa 1980, nakasama niya sa The Quick Brown Fox si Weng Weng. Kasunod nito ang Dancing Master, Superhand: Shadow of the Dancing Master at Dolphy’s Angels. Sa 1981, nagklik naman ang Stariray, Da Best In Da West, at Dancing Masters 2. Muli silang nagsama ni Wengweng sa Agent 00.
Nang matapos ang John & Marsha dahil namatay si Nida Blanca, inere naman ang Home Along Da Riles noong 1992 kasama sina Nova Villa, Vandolph, at Claudine Barretto.
Muling umarangkada sa pelikula si Dolphy noong 2001 sa isa pang gay character, kasama ang mga anak na sina Eric Quizon at Jeffrey Quizon sa pelikulang Markova: Comfort Gay, kung saan lahat sila ay nanalo ng Prix de la Meilleure Interpretation sa Brussels, Belgium sa papel na Walterina Markova. Noong 2003, nagbalik ang Home Along Da Riles bilang Home Along Da Airport.
Sa kanyang ika-80 kaarawan noong July 25, 2008, inilabas ni Dolphy ang aklat na Dolphy, Hindi Ko Ito Narating Mag-isa. Ikinatuwa ito nina ABS-CBN President Charo Santos-Concio at Bibeth Orteza, kung saan ang kinita ng libro ay napunta sa “Dolphy Aid Para sa Pinoy Foundation, Inc.”
Taoong 2008 din nakasama ni Dolphy si Comedy Box Office King Vic Sotto sa pelikulang Dobol Trobol. Nang sumunod na taon, nakasama niya sa pelikulang Nobody Nobody But… Juan sina Eddie “Manoy” Garcia, Gloria Romero, Joe Aldeguer, Pokwang, Giselle “G” Toengi, Heart Evangelista, Ya Chang, at Eric Quizon, Jeffrey “Epi” Quizon & Vandolph Quizon. Nang sumunod na taon, 2009, nominated si Dolphy sa Order of National Artists, pero hindi siya nakalusot sa second deliberation ng screening committee.
Taong 2012 nang ma-diagnose si Dolphy sa chronic obstructive pulmonary disease, kaya nabawasan na ang paggawa niya ng pelikula. Pero noong 2010, ginawa niya ang kanyang huling pelikula, ang Father Jejemon, kasama sina Cherrie Gil, Roy Alvarez, Maja Salvador, at EJ Falcon.
Hindi man naging National Artist si Dolphy, binigyan naman siya ng Aquino administration ng Grand Collar of the Order of the Golden Heart at Outstanding Manilan. Noong 2012, ginawaran din siya ng Diwa ng Lahi award ng Manila City Hall.
Nang mamatay si Dolphy noong July 13, 2012, idineklara ni President Benigno Aquino, III ang nasabing araw na National Day of Remembrance bilang pagpupugay sa mga kontribusyon ni Dolphy sa Philippine showbiz industry. Sa kanyang lamay sa Heritage Park, iginawad naman ni dating Pangulong Joseph Estrada sa kanya ang 2012 People’s Artist Award bilang pagkilala rin. Noong November 23, 2013, naglabas ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng limited edition ng “Dolphy Stamp.” Ang ABS-CBN Studio 1, isa sa pinakalumang studio ng ABS-CBN, ay ipinagawang proscenium theater na pinangalanang Dolphy Theatre. Nagsagawa ng necrological service dito para kay Dolphy. Sa dami ng achievements ni Dolphy, sino kaya ang magmamana ng kanyang koroona? – KAYE NEBRE MARTIN