KORONA SA KNIGHTS?

LETRAN

Laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

4 p.m. – Letran vs San Beda (Men Finals)

Game 2, Knights abante sa serye (1-0)

SISIKAPIN ng Letran na tapusin na ang serye at kunin ang korona laban sa San Beda sa Game 2 ng NCAA men’s basketball finals ngayon sa Mall of Asia Arena.

Nasa panig ng Knights ang kasaysayan kung saan ang naunang 13 champions ay pawang nagwagi sa Game 1 ng Finals.

Umaasa si coach Bonnie Tan na maibibigay sa Letran ang ika-18th titulo nito sa Game 2 na nakatakda sa alas-4 ng hapon.

“Although we have the momentum by winning Game 1, sana hindi na ito pakawalan ng mga player,” wika ni Tan.

Tinapos ng Knights ang pambihirang 32-game winning streak ng Red Lions sa pamamagitan ng series-opening 65-64 win noong Martes.

Determinado ang Letran na mabawi ang korona na huli nitong napagwagian noong 2015.

Ang San Beda ay nanganganib na maging ikalawang koponan matapos ng  Lyceum of the Philippines noong 2017 na nabigong maiuwi ang titulo makaraang makumpleto ang 18-0 elimination round sweep.

“Before the Finals, I told my players to play for the alma mater. Play for the school. Lahat tayo sama-sama rito. Kung ganyan ang ilalaro nila, siyempre ilalabas ang pride nila,” ani Tan.

Ang Knights ay nanalo ng limang Finals games laban sa Lions ngayong dekada.

Inaasahan ni Tan ang pagresbak ng San Beda upang maihatid ang serye sa decider sa Martes.

“They are the defending champion. They are the three-time champions. They have the experience,” ani Tan. “As a coach, kaila­ngang mag-adjust kung ano man ang mangyayari.”

Nagningning si Fran Yu magmula sa step-ladder semifinals, kung saan dinala niya ang Letran sa Finals, katuwang sina Jerrick Ba­lanza at Larry Muyang.

Maaaring hindi nakuha ng Knights ang karamihan sa season individual awards na nasa Lions, ngunit determinado sila na kunin ang pinaka-malaking gantimpala.

“Sinasabi namin, wala ka­ming nakuhang awards, si Fran lang. Ibigay na lang natin sa kanila iyon. Ang importante, makuha ang championship trophy,” dagdag pa ni Tan.

Comments are closed.