KORONA TARGET NG FIGHTING MAROONS

Laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
6 p.m. – Ateneo vs UP (Men Finals, Game 2)

PAGOD na si Xavier Lucero na tulungan ang University of the Philippines na itakas ang dikit na panalo kontra Ateneo.

Magmula sa UAAP men’s basketball Finals noong nakaraang season, ang Fighting Maroons-Blue Eagles duels ay nadesisyunan ng pitong puntos o mas kaunti pa, kabilang ang dalawang overtime contests.

“I hope that we can put this away by a good margin, if we can avoid any heroics that’d be nice,” pahayag ni Lucero makaraang ihatid ang UP sa series-opening 72-66 win kontra Ateneo noong nakaraang Linggo.

“But whether it’s close or not, we gotta be ready for that and we gotta be poised and calm in that challenge and be able to come out on top no matter what. We got a great opportunity so we have to seize that,” dagdag pa niya.

Anim na buwan makaraang wakasan ang 36-year championship drought, umaasa ang Fighting Maroons na matamo ang extraordinary feat — na maaaring hindi na mangyari ulit — ang pagwawagi ng dalawang titulo sa isang taon sa pagtatangkang selyuhan ang kapalaran ng Blue Eagles sa Game 2 ngayong alas-6 ng hapon sa Araneta Coliseum.

Muling kakayod nang husto si Lucero makaraang kunin ang Game 1, batid na kailangan ang dalawang panalo para masikwat ang korona.

“It’s great, but obviously we got another one ahead of us. So as soon as that buzzer sounds off, we gotta move on, focus, and prepare for our next game,” ani Lucero.

Hindi pumapanig ang kasaysayan sa Ateneo dahil lahat ng kanilang siyam na kampeonato sa Final Four era ay hindi nila nakamit matapos na matalo sa Game 1 ng series. Si coach Tab Baldwin ay 0-2 sa Finals makaraang matalo sa opener.

Gayundin, ang naunang anim na Game 1 winners ay nanalo sa huli ng championship.

Ang panalo ng Blue Eagles ay maghahatid sa series, tulad sa ikalawang installment ng “Battle of Katipunan”, sa deciding Game 3 sa Lunes sa parehong venue.

Bago ang Game 2 ay pararangalan ng liga ang individual awardees kung saan pormal na tatanggapin ni UP slotman Malick Diouf ang season MVP honors.

Umaasa ang Ateneo na makakakuha ng malaking numero kina Dave Ildefonso, na nalimitahan sa 10 points sa 3-of-12 shooting sa Game 1, at Kai Ballungay, na hindi nakaiskor sa loob ng 17 minuto.

Umaasa rin ang Blue Eagles na malulusutan ang matinding depensa ng Fighting Maroons, kung saan gumawa sila ng 15 turnovers sa opener.

Ang balanced offense ang magiging susi sa UP, dahil walong players nila ang umiskor ng hindi bababa sa limang puntos sa Game 1 victory.